top of page

Para makasampa sa barko… BINATA, DAPAT MAKAHANAP NG BESTIE O GF NA MAY STRONG NUMBER

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 10, 2024
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | June 10, 2024



Dear Maestro, 


Ako lang ang inaasahan ng magulang ko dahil may sari-sarili na ring asawa ang mga kapatid ko. 


Kasalukuyan akong nag-a-apply sa barko bilang seaman. May pag-asa pa kaya akong makasampa ngayong taon? Kung sakaling oo, sa paanong paraan naman kaya? 


Kalagitnaan na kasi ng taon, ngunit hindi pa rin ako sinusuwerte. Maestro, kailan kaya ako makakatikim ng suwerte at makakasampa sa barko? 


Ang birthday ko ay March 7, 1994

 

Umaasa,

John Carlo ng Balibago, Cardona, Rizal

 



 

Dear John Carlo,  


Ikaw ay isinilang sa petsang 7, ibig sabihin mahina ang loob mo, kabilang ang numerong 7, sa mga tinatawag na weak number, katulad ng 2, 11, 20, 29, 16, at 25.


Kaya naman aasa lang nang aasa ang kapalaran mo sa impluwensya at puwersa ng ibang tao. 


Nagkataon pang Pisces ang zodiac sign mo na isa ring mahina, maramdamin at may pagka-emosyonal na nilalang.


Matutulad ang kapalaran mo sa isang dahon na nahulog sa batis. Tatangay-tangayin lang ng alon ang nasabing dahon, at kung saan-saang batuhan lang ito ipapadpad hanggang sa tuluyang malanta, madurog at matunaw.


Subalit, magbabago lamang ang negatibo mong kapalaran sa sandaling nagkaroon ka ng kaibigan o partner na may strong personality at may birth date na 1, 10, 19, 28, 8, 17 at 26, lalo na kung malaman at makapal ang kanilang palad. 


Ang nasabing mga nilalang ang tunay ngang mag-aahon sa dahon na tinatangay-tangay ng alon sa batis upang tuluyan na siyang umunlad at magkaroon ng pangarap at layunin sa buhay.  


Basta tandaan mo na kailangan mo ng ibang puwersa o lakas na tutulong sa iyo para mabago at gumanda ang iyong kapalaran. Katulad ng nasabi na, kakailanganin mo ang ibang puwersa o lakas upang matulungan ka nila na matupad ang mga pangarap mo sa buhay. 


Puwede mo rin silang gawin baker upang mas madali kang makaalis at makapangibang-bansa, higit lalo kung ang nasabing mga tao ay under sa zodiac sign na Capricorn, Virgo, Leo, Libra, Cancer, Scorpio at Aries.


Bukod sa kulay na berde, mapalad ka rin sa kulay na dilaw na siya mong dapat isuot sa tuwing may lakad ka. 


Ang berde at dilaw ay puwede mong isuot kung makikipag-date ka para higit na maging paborable at masarap ang gagawin n’yo.


Samantala, ayon sa iyong Career Calendar na kinumpirma ng iyong Travel Calendar sundin mo lang ang mga simpleng rekomendasyon na inilahad sa itaas, palagi kang humingi ng tulong at makipagkuwentuhan sa mga taong may strong personality upang matupad mo na ang iyong pangarap na makapangibang-bansa at magkaroon ng isang masarap, masagana at maunlad na kapalaran.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page