Para iwas-gulo, iisang guideline sa pagpasyal ng mga bata
@Editorial | November 21, 2021
Dahil sa pangamba na baka malagay sa alanganin ang mga bagets na pinayagan nang mamasyal o makapasok sa mall, muling nagpulong ang mga kinauukulan kaugnay nito.
Una nang nagkaroon ng kalituhan kung puwede pa rin bang mag-mall ang mga edad 11 pababa.
Hanggang sa nagkasundo ang 17 alkalde sa Metro Manila na magpalabas ng uniform guideline tungkol sa pagpasyal ng mga bata sa mga shoppings malls at mga katulad na establisimyento.
Sa meeting ng mga mayors ay napagkasunduang idulog sa Inter- Agency Task Force (IATF) ang guidelines para sa pagpasyal ng mga may edad 11 pababa.
Inaasahan na sa mga darating na araw ay ilalabas na ang nasabing guidelines.
Una nang nagpalabas ng Executive Order na nagsasabing ang mga edad 12 hanggang 17 ay maaaring pumasok sa shoppings malls basta kasama ang kanilang mga magulang o guardian na fully vaccinated. Base ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpasa ng ordinansa o resolusyon ang mga lokal na pamahalaan kaugnay sa paglabas o pamamasyal ng mga menor-de-edad.
Tulad ng mga naunang usapin tulad sa pagsusuot ng face shield na naging tila laban-bawi, ang pakiusap din sa mga awtoridad ay maging malinaw sa mga inilalabas na kautusan.
Ang magkakaibang panuntunan ay nakapagdudulot ng kalituhan. Mahirap ‘yung puwede rito, pero bawal doon.
Dapat ding maipaunawa sa publiko ang kahalagahan ng mga ginagawang pagbabago.
Tayo namang mga magulang, ipaliwanag din natin sa mga bata na kailangan pa ring mag-ingat at hinay-hinay sa paglabas.
Mas masayang salubungin ang Kapaskuhan na ligtas at malusog. Kaya huwag pasaway.
Ugaliin ang pag-iingat at pakikinig sa mga bagay na para rin sa ating kapakanan.



Comments