Pangulong Duterte, bagsak o pasado?
@Editorial | July 27, 2021
Ang huling State of the Nation Address o SONA ng isang pangulo ay pag-uulat ng naging kabuuan ng kanyang panunungkulan.
‘Ika nga ng Malacañang, para itong report card kung saan, iniisa-isa ang mga proyekto at programang nagawa ng kasalukuyang administrasyon para sa bayan.
Matatandaang sa mga naunang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, pangunahin sa mga nais nitong matutukan ay ang isyu sa ilegal na droga at korupsiyon. Kaya nagkaroon ng giyera kontra-droga at korupsiyon na masasabing naging kontrobersiyal dahil sa mga naganap na patayan at sibakan. Marami-raming sangkot sa droga at pagnanakaw ang nabulgar at nahatulan.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Duterte ang mga proyekto at batas sa edukasyon, kalusugan at sa ekonomiya na bansa na ipinagpasalamat naman sa mga mambabatas.
Masasabing hindi biro ang mga pinagdaanan ng administrasyong ito. Ang mga dating problema ay pinalala pa ng COVID-19 pandemic. Talagang todo-kayod ang mga nasa gobyerno para maitawid sa publiko ang mga pangangailangan.
Sa kabila ng pagtugon sa mga pangunahing suliranin, pinilit pa ring maituloy ang mga nakalinyang proyekto tulad sa imprastruktura.
Maaaring hindi sapat ang ilang oras na SONA, mas mainam pa rin na mismong taumbayan ang humusga sa mga nagawa ng administrasyong Duterte.
May mga pangako ba na napako? Sablay ba ang mga inilunsad na laban sa droga at korupsiyon? Lumala ba ang sitwasyon sa edukasyon at ekonomiya?
Ang pinakamahalagang tanong, hindi ba napabayaan ang Pilipinas sa gitna ng pandemya?
Sa huling limang taon bilang lider ng bansa, pasado ba o bagsak si Pangulong Duterte?
Bagama’t ito ang huling SONA ng Pangulo, tuloy naman ang laban ng bawat Pilipino sa kahirapan.



Comments