Pangmatagalang solusyon sa tumataas na presyo ng gas
@Editorial | February 23, 2022
Sisirit na naman ang presyo ng petrolyo ngayong araw. Walang magawa, kamot-ulo na lang.
Tanggapin ang 'domino effect' mula sa mga pangunahing bilihin hanggang sa mga serbisyo.
Kahit sino yatang madiskarte sa buhay, hindi na kakayanin kung ganitong sunud-sunod ang taas-presyo.
Kaya patuloy na rin ang panawagan sa gobyerno na mag-isip at gumawa ng paraan para sa pangmatagalang solusyon sa tumataas na halaga ng langis.
Hindi puwedeng palaging ayuda ang sagot. Ayon nga sa mga drayber at operator, hindi ito sapat. Maaaring makapagtawid ng ilang biyahe, pero unti-unti ring mawawala dahil sa gastos sa pang-araw-araw.
Napag-alamang sa pagbabalik-sigla ng mga negosyo sa ‘pre pandemic level’ maaaring hindi maging sapat ang suplay ng langis.
May paniwala na babawi muna ang mga bansang nagsu-supply sa kanilang pagkalugi bago nila damihan ang kanilang produksiyon.
Kasabay ng pagsirit sa presyo ng gas, dapat ding paspasan ang paglulunsad ng mga programa at proyekto na may kaugnayan dito.
Kailangang makabuo ng mga malinaw at pangmatagalang solusyon sa hindi mapigilang taas-presyo sa gas.
Papasok na tayo sa 'new normal', naghahanda na tayo sa paghataw para sa ekonomiya, huwag naman sanang masira ito dahil sa oil price hike. Sa halip na umusad, baka matengga na naman tayo.
Ang ganitong sitwasyon ang isa rin sa ga dapat sagutin ng mga kandidato sa tuwing nag-iikot.
Tanungin natin sila, ano ang kanilang magagawa sa problemang ito?
Hindi 'yung puro porma, selfie, kamay, beso at pambobola lang ang pinaggagagawa.



Comments