Pangarap na makapag-abroad, matutuloy sa 2022
- BULGAR

- Jul 23, 2020
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 23, 2020
Dear Maestro,
Bago nagka-COVID-19, nag-a-apply ako sa abroad dahil bukod sa pagtaya-taya sa lotto, ito lang ang alam kong paraan para makaahon kami sa kahirapan. Tapos ako ng two-year course sa computer, kaso hindi ako natuloy sa pag-a-apply nang nagka-COVID-19. Kapag puwede nang mag-apply ulit sa abroad, susubukan ko muling mag-apply pero parang malabo na yata.
May pag-asa pa ba akong makapag-abroad? Bukod pa rito, nais ko ring malaman ang aking masusuwerteng numero at saang lotto outlet ako dapat tumaya upang kapag bumalik na ang operation ng lotto ay tataya ako dahil ito lang talaga ang nakikita kong pag-asa para makaahon kami sa kahirapan.
Pangarap naming mag-asawa na makabili ng sariling lupa at makapagpagawa ng bagong bahay dahil ang bahay namin ngayon ay puro kalawang na ang bubong at butas-butas na minana lang ng asawa ko sa mga magulang niya. Matutupad ba ang pangarap naming ito ng mister ko? March 29, 1983 ang birthday ko at August 7, 1981 naman ang mister ko.
Umaasa,
Lady Aries ng Sam Jose, Alitagtag, Batangas
Dear Lady Aries,
Ayon sa birth date mong 29 o 2 (2+9=11/ 1+1=2) at destiny number na 8 (3+29+1983=2015/ 20+15=35/ 3+5=8) sa zodiac sign na Aries, ang mga taong makakatulong sa iyo upang mas madali mong maabot ang pangarap na makapag-abroad ay silang mga isinilang sa petsang 7, 16, 25, 9, 18, 27, 1, 10, 19, 28, 5, 14 at 23.
Dahil kung sariling pagsisikap mo lang ang iyong aasahan at hindi ka magpapatulong sa ibang tao, ang weak number mong 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) ang nagsasabing malabo kang magtagumpay at lumigaya habambuhay. Tunay ngang ang dapat sa mga taong may weak number na 2 tulad mo ay may kasama, katulong, alalay at kaibigan o masasandalan, upang tuloy-tuloy na umunlad at lumigaya habambuhay.
Bukod sa nasabing mga birth date, matutulungan ka rin nilang mga isinilang sa zodiac sign na Sagittarius, Libra, Leo, Scorpio at kapwa mo Aries, higit lalo kung ang nasabing mga zodiac sign sa sandaling kayo ay nag-meet ay nakasuot ng kulay pula o berde.
Kaya maihahaka na suwerte sa iyo ang asawa mo na may birth date na 7, sa zodiac sign na Leo kung saan siya ay tunay na sumusuporta sa iyo upang maabot n’yo ang inyong mga pangarap sa buhay.
Bukod sa mister mo na todo-support na makapag-abroad ka at matupad ang pangarap n’yo, hintayin mong may isang tao o maraming tao na tutulong sa iyo, na nakatakdang mangyari sa 2022 kung saan sa panahong ‘yun sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre sa edad mong 39 pataas, makapag-a-abroad ka na.
Samantala, bukod sa mga numerong may sumatotal na 7 at 2, kagaya ng 16, 25, 34, 43, 11, 20, 29, 38 at iba pang kauri nito, mapalad ka rin sa mga numerong 4, 18, 27, 36, 45, 13, 22, 31 at 40 at iba pang kauri nito. Maaari mo ring subukan ang 6, 17, 23, 33, 37 at 42, gayundin ang 2, 16, 25, 34, 32 at 41.
Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran mula sa ika-19 ng Nobyembre hanggang sa ika-28 ng Disyembre, mula ika-19 ng Marso hanggang ika-28 ng Abril at mula ika-19 ng Hulyo hanggang sa ika-28 ng Agosto.
Magsisilbing panghatak ng suwerte ang batong diamond na ipinalamuti sa gold o gintong singsing.
Tulad ng nasabi na, ayon sa iyong Travel Calendar, sa sandaling sinunod mo ang mga tagubiling inilahad, sa 2022 sa edad mong 39 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong karanasan.




Comments