Pangarap na kasal, oks lang kahit ‘di matupad dahil magiging forever hapi sa ka-live in

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| November 21, 2020

KATANUNGAN
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung may pag-asa pa bang pakasalan ako ng kinakasama kong lalaki? Sa ngayon, nalalabuan na ako na maikasal kami dahil tatlo na ang anak namin, pero nangangarap din ako dahil hindi naman masamang mangarap.
Kaya lang, tuwing sasabihin ko sa kanya ang tungkol sa kasal, ang gara ng katwiran niya. Sabi niya, hindi mahalaga ang kasal, magpapakasal daw kami at gagastos ng malaking halaga, pagkatapos ay magkakahiwalay lang din daw kami. Sayang lang daw ang pera, kaya mas mabuti pang magsama na lang kami nang hindi kasal.
Sa ngayon, okey naman ang pagsasama namin, maligaya na ako sa piling niya dahil mabait naman siya, masikap sa buhay at maunawain. Mabait din siyang ama sa aming mga anak.
Ang gusto ko na lang talagang malaman ay kung may tsansa ba na magbago pa ang katwiran niya at isang araw ay yayain o alukin din niya ako ng kasal? Sobrang kinasasabikan at ikatutuwa ko talaga kung ito ay mangyayari.
KASAGUTAN
Sadyang may kani-kanyang pag-iisip at katwiran ang bawat tao. Siyempre, iba-iba rin ang pananaw nila sa buhay, kahit sa mga senstibong bagay, higit lalo kung tungkol sa pagpapamilya at pagpapakasal.
Kung ang katwiran ng kinakasama mo ay hindi mahalaga ang kasal sa kanya, wala kang magagawa dahil pinakisamahan at minahal mo na siya nang ganyan kung saan dati pa ang katwiran niya at hindi naging hadlang ‘yun upang magsama kayo bilang mag-asawa at sabi mo nga ay may mga anak na kayo at maligaya ka naman sa piling niya.
Samantala, sa kabila ng lahat, may dapat kang ipagpasalamat at ikatuwa dahil tulad ng nangyayari sa kasalukuyan, ang matino, maganda, tuwid at maayos na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) at maganda ring Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nanaig at patuloy na mananaig kung saan ito rin ang nagsasabing ikasal man kayo o hindi, tuloy pa rin ang maligaya at panghabambuhay na pagsasama.
MGA DAPAT GAWIN
Ibig sabihin, Maricris, ang dapat mong isaisip ngayon ay ganito— alukin ka man o hindi ng kasal ng kinakasama mong lalaki, masasabing okey lang dahil ayon sa iyong mga datos, isa lang ang tiyak. Kasal man kayo o hindi, kung patuloy naman kayong may tiwala sa isa’t isa at walang maliw na nagmamahalan, ang pag-iibigang ito ay higit na magiging mabisang garantiya ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
Tunay ngang higit kang mapalad dahil kahit hindi ka pinakasalan ng lalaking kinakasama mo, hindi ka niya iniiwan at hindi tulad ng ibang lalaki r’yan, pinakasalan nga ang kanilang misis, pero nambabae at nakipaghiwalay din naman.
Kaya tulad ng nasabi na, ayon sa iyong mga datos, Maricris, tiyak ang magaganap— kasal man kayo o hindi, noon pa ma’y itinakda na ng langit sa iyong kapalaran ang maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.




Comments