Pananakit vs. quarantine violators, stop!
- BULGAR

- Jul 26, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | July 26, 2020
Magkakaibang parusa ang sinasapit ng quarantine violators sa iba’t ibang lungsod.
Mayroong multa at kulong, gayundin ang community service.
Pero paano kung ‘di basta multa o kulong kundi karahasan ang parusa ng barangay chairman?
Sampal ang inabot ng dalawang binatilyong lumabag sa curfew at hindi pagsusuot ng face mask sa San Pablo, Laguna.
Ayon sa mga binatilyo, kinuha ng kapitan ang kanilang mga pangalan at pinagsasampal nang maraming beses sa mukha at leeg gamit ang tsinelas.
Ang mga sampal ng kapitan ay sinundan pa ng banta sa kanilang buhay. Uubusin umano ang kanilang lahi at pinagbantaang papatayin, isa-salvage at babarilin.
Napag-alamang lasing ang kapitan sa kabila ng liquor ban na umiiral sa lungsod.
Samantala, naganap ang insidente kung kailan target atasan ang mga taga-barangay partikular ang mga tanod sa pagpapatupad ng mga health protocols sa komunidad.
Isa na namang pang-aabuso sa kapangyarihan ang naturang insidente.
Nakakadismaya dahil kung sino ang dapat mamuno sa pagdidisiplina sa nasasakupan, siya pa itong gumagamit ng karahasan. Ang malala pa, lasing si chairman habang may liquor ban. Tsk!
Bilang pinuno ng barangay, dapat lang na disiplinahin ang mga pasaway, pero dapat itong gawin sa makataong paraan.
Tandaan, bawat hakbang n’yo bilang opisyal ay may epekto sa inyong mamamayan.
Posible itong maging dahilan upang lalo pa nila kayong pagkatiwalaan o kabaligtaran.
Tayo namang mga magulang, sikapin nating bantayan ang ating mga anak. Ipaliwanag ang kahalagahan ng pananatili sa bahay, lalo na kung may umiiral na curfew.
Nawa’y magsilbing aral ito sa mga nakaupo sa puwesto at publiko na pare-pareho tayong may responsibilidad dito.
Obligasyon ng kapitan na panatilihing ligtas at maayos ang kanilang nasasakupan, at tayong mamamayan ay dapat sumunod sa mga kautusan.
‘Wag pairalin ang init ng ulo at karahasan dahil wala itong maitutulong.
Higit sa lahat, walang dapat umabuso, maging sa hanay man ng mga opisyal o ordinaryong tao.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments