top of page

Pananagutan ng paaralan at magulang sa bullying

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | February 12, 2026



Editoryal, Editorial


Hindi na dapat binabalewala ang bullying sa paaralan na para bang normal lang na parte ito ng paglaki. 


Hindi ito “biruan.” Hindi ito “kabataan lang.” Ang bullying ang isa sa mga ugat kung bakit may mga estudyanteng nasasaktan, nade-depress, at sa pinakamasahol na pagkakataon—napapatay o nakakapatay.


Kapag may estudyanteng araw-araw pinapahiya, tinutukso, sinasaktan o tinatakot, may malaking posibilidad na ito’y magtanim ng galit at trauma. At kapag hindi naagapan, ang galit ay maaaring mauwi sa marahas na paraan. 


Ilang trahedya pa ba ang kailangang mangyari bago seryosohin ang problemang ito?

Hindi sapat ang paalala. Kailangan ng mahigpit at konkretong aksyon mula sa mga paaralan—malinaw na patakaran, agarang imbestigasyon, at totoong parusa sa mga mapang-api. 


Kailangan ding palakasin ang guidance offices at tiyaking may ligtas na lugar ang mga biktima upang magsumbong nang walang takot.


May pananagutan din ang mga magulang. Ang asal ng bata ay hindi lang hinuhubog sa paaralan kundi sa bahay. Kung may karahasan at kawalan ng disiplina sa tahanan, huwag magtaka kung madadala ito sa eskwelahan.


Ang paaralan ay dapat ligtas. Kapag may estudyanteng natatakot pumasok dahil baka siya’y saktan o ipahiya, bigo ang sistema. Ang bullying ay hindi maliit na isyu—ito ay babala. At kung hindi kikilos ngayon, mas marami pang kabataan ang magiging biktima.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page