top of page

Panalo ni Ancajas vs. Casero pagkasa sa world title fight

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 4
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports News | August 4, 2025



Photo: Ang dikdikang bakbakan nina Jerwin Ancajas at Ruben Dario Casero na pagsapit sa Round 4 ay dumurugo na ang kanang sentido ng Uruguayan dahil sa accidental headbutt. (screenshotpix)


Matamis na pagbabalik sa U.S. ang naging tagumpay ng dating world champion na si Jerwin “Pretty Boy” Ancajas matapos daigin si Uruguayan boxer Ruben Dario “El Mariachi” Casero sa bisa ng majority decision sa 8th-round super-bantamweight bout kahapon (oras sa Pilipinas) sa Thunder Studios sa Long Beach, California. 


Nagamit ng kaliweteng tubong Panabo City, Davao del Norte ang masistemang pamamaraan kontra Uruguayan boxer upang kontrolin ang takbo ng laban upang makita ng dalawang hurado ang 80-72 at ang nakadidismayang 76-76 na desisyon ng isang hurado para sa ikatlong sunod na panalo ni Ancajas.


Bumira ng epektibong mga banat na kumbinasyon sa katawan at mukha si Ancajas upang mahigitan ang katunggali upang tuluyang talunin ang 32-anyos na tubong Colonia, Uruguay at tapusin ang mahigit 6 na buwang paghihintay para sa dating super-flyweight world titlist.


Dahil sa panibagong panalo ay lalapit sa panibagong tsansa sa world title fight ang 33-anyos na southpaw na nasundan ang panalo kontra kababayang si Richie Mepranum sa bisa ng second round knockout, na muling binubuhay ang karera matapos ang dalawang beses na pagkabigo para sa panibagong world title belt.


Mag-uusap kami ulit ni sir Sean (Gibbons). Big fight na daw (ang susunod na laban). Sana world title fight,” pahayag ng trainer at manager ni Ancajas na si Joven Jimenez sa panayam ng Bulgar Sports kahapon na dismayado man sa iniskor ng isang hurado ay nirerespeto na lamang ito. “Hindi. Pero ‘yun ang tingin ng isang judge tanggapin na lang.”


May pagkakataong makatapak muli sa world championship ang 5-foot-6 boxer na minsang nabigo sa pagkuha ng world title fight para sa dating korona na International Boxing Federation (IBF) 115-pounds kontra Fernando Daniel Martinez ng Argentina at Japanese Takuma Inoue para sa bakanteng World Boxing Association (WBA) bantamweight title.  


Umaasang mahahanapan ng panibagong world title o interim title fight si Ancajas na napapabilang sa No.5 sa World Boxing Organization (WBO), No.6 sa IBF, at No.8 sa WBA, na pare-parehong tangan ni reigning undisputed 122-lbs champion Naoya “The Monster” Inoue. “Jerwin needs to come out of it with a win, and then we’re looking at a world title fight in his next fight. At 33, he doesn’t have time to waste, but if he wins the fight, he’s in line for an IBF or WBA (title fight),” wika ni Gibbons, na  President ng MP Promotions at kinikilalang international matchmaker, sa isang report bago ang laban.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page