Pamimigay ng ayuda, dapat mas maingat na
ni Ryan Sison - @Boses | December 14, 2022
Maaaring ipagpaliban ang pamamahagi ng ayuda kapag may banta ng sama ng panahon.
Ito ang inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos ang pagkamatay ng walo katao matapos kumuha ng ayuda sa Tanay, Rizal noong Sabado.
Binigyang-diin ng DSWD na mas mabuting isaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan, gayundin ang mga kukuha ng ayuda. Gayunman, dapat umanong balansehin pa rin ang kaligtasan ng mga tao.
Matatandaang base sa ulat, pitong senior citizens at 5-anyos na bata ang nasawi nang tangayin ng rumaragasang tubig ang jeep na kanilang sinasakyan sa Bgy. Sta. Ines matapos mag-withdraw ng ayuda sa Tanay, Rizal. Tumatawid umano ang sinasakyan nilang jeep sa ilog nang magbalahaw ang sasakyan at kalaunan ay hinampas ng rumaragasang tubig sa ilog.
Matapos ang trahedya, humiling ng pagbabago sa sistema ng pagbibigay ng ayuda ang Tanay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Nagkaroon na umano ng pag-uusap ang Office of Civil Defense kasama ang Regional DSWD at ipapaalam anila ang hiling na pagbabago sa sistema sa national government.
Kung sakaling magbago ang distribution system, makakatulong umano ito sa mga indigenous people at senior citizen.
Sa totoo lang, nakapanlulumo ang insidente dahil ilang buhay ang nawala. Sino ba namang mag-aakala na mauuwi sa trahedya ang simpleng pagkuha ng ayuda?
Batid nating walang may gusto sa nangyari, gayunman, umaasa tayo na magsisilbi itong aral at paalala sa mga kinauukulan na maging mas maingat pagdating sa pamamahagi ng ayuda.
Sa lahat ng pagkakataon, dapat nating iprayoridad ang kaligtasan ng mga benepisaryo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments