top of page
Search
  • BULGAR

Pamilyadong live-in partner, ‘di makakatuluyan kahit sobrang labs

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 21, 2022



KATANUNGAN

  1. May ka-live-in ako ngayon, siya ay isang engineer na nadestino sa lugar namin nang minsang may construction project na pinapangasiwaan niya. Sabi niya ay binata siya, kaya sinagot ko siya at mula noon, habang may ginagawa silang project sa lugar namin ay nagsasama kami. Hanggang natapos ang project nila, pero umuuwi pa rin siya sa inuupahan naming apartment.

  2. Kaya lang, nang dumalas siya sa Maynila at bihira na siyang umuwi sa apartment, nagsimula akong maghinala at natuklasan ko na may pamilya na siya. Nang komprontahin ko siya, hindi naman niya nag-deny at humingi pa siya ng sorry.

  3. Dahil mahal na mahal ko siya at siya ang nakauna sa aking pagkababae, siya na ang gusto kong makasama habambuhay at hindi pa rin nagbago ang pagtingin ko sa kanya. Kada linggo, dalawang beses siyang umuuwi sa apartment namin at natuklasan kong bukod sa akin at sa legal wife niya ay may mga textmate pa siyang babae dahil nakadestino na naman siya sa malayong lugar.

  4. Sa palagay n’yo, may iba ba siyang babae at niloloko niya kami ng legal wife niya? Gusto ko ring malaman kung maghihiwalay pa ba kami o habambuhay na kaming magsasama? Mahal na mahal ko kasi siya at kahit na number 2 niya lang ako ay tanggap ko, pero ang hindi ko matatanggap ay kung may iba pa siyang mga babae.

KASAGUTAN

  1. Kapansin-pansing sadyang nagulo at kitang-kita na nabiyak ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Malungkot, pero mapalad ka pa rin dahil sa kabila ng kasalukuyan n’yong relasyon, sa bandang huli ay mahihiwalay ka rin sa kanya. Pagkatapos mong maloko at maisahan ng lalaking sobrang babaero, bibigyan ka pa rin ng pagkakataon ng kapalaran upang makapagbagong buhay sa piling ng ikalawang binata o walang pananagutang lalaki, na inilalarawan ng ikalawang mas malinaw, makapal at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Tanda na kung maghihiwalay man kayo ng pamilyadong live-in partner mo, tulad ng nasabi na, blessing in disguise pa ‘yan sa iyong karanasan. Dahil pagkatapos n’yong maghiwalay, isang binata ang muling kakatok sa iyong puso, papapasukin mo siya upang minsan pa, makabalik ka sa moral at normal na pamumuhay sa piling ng naturang lalaki.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Mapalad ka pa rin, Jessica, dahil ayon sa iyong mga datos, sa taon ding ito ng 2022, tuluyan na kayong maghihiwalay ng live-in partner mo na may legal ng asawa sa sandaling natuklasan mo ang katotohanang bukod sa inyo ng misis niya, may isa pa pala siyang babae. Hindi mo naman dapat ikabigla ‘yun dahil masasabing ang pangyayaring nabanggit ay paraan ng kapalaran upang makabalik ka sa maayos at normal na pamumuhay, na nakatakdang mangyari sa taon ding ito, sa buwan ng Oktubre.

  2. Sa pagdating ng isang binata at walang pananagutang lalaki na isinilang sa zodiac sign na Scorpio, siya na ang itinakda ng iyong kapalaran upang mapangasawa mo at makasama sa isang simple, pero masayang pagpapamilya habambuhay.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page