Pambababae ng mister na taong uno, ‘di magbabago
- BULGAR
- Jun 28, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 28, 2022
Dear Maestro,
Napakababaero ng aking asawa. Noong una ay pinipigilan ko siya at nagiging dahilan ito ng aming pag-aaway at sa katagalan, nasanay na lang ako sa mga kalokohan niya. Pero minsan, iniisip ko ring makipaghiwalay kapag hindi pa rin siya nagbago, ngunit hindi ko magawa dahil naaawa ako sa mga anak namin kung lalaki sila sa broken family.
Maestro, magbabago pa ba ang aking asawa at titigil pa ba siya sa pambababae? September 19, 1989 ang birthday niya, habang May 3, 1992 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Sugar ng San Antonio, Mabitac, Laguna
Dear Sugar,
Maaaring wala nang pag-asa na magbago ang iyong asawa dahil sa istatistikang tala, karamihan sa mga babaerong lalaki ay silang mga isinilang sa mga petsang 4, 13, 22, at 31. Sinusundan ito ng mga lalaking may bitbit ng mga numerong 1, 10, 19 at 28 — sila ang mga Taong Kuwatro (4) at Uno (1), na itinala na may pinakamaraming bilang ng mga nambabae.
Easy go lucky kasi ang mga Taong Uno, kumbaga, ang mahalaga sa kanila ay ang kanilang sarili na kailangang maging masaya. Kaya kung hindi na sila masaya, hahanap sila ng paraan para sumaya at kapag ang Taong Uno na may asawa na ay nalulungkot o wala nang makitang saya sa kanyang buhay pagpapamilya, mambababae sila o mahihilig sa barkada at puwede ring sa alak at iba pang bisyo na ikakasaya nila.
At sa kaso ng iyong asawa, nagkataong doble pa ang numerong uno sa kanyang birth date, dahil bukod sa 19 o 1 (ang 19 ay 1+9=10/ 1+0=1), siya rin ay nagtataglay pa ng destiny number na 1. Naging 1 ang destiny number niya dahil ang September 19, 1989 ay kinokompyut ng ganito: 9+19+1989=2017/ 20+17=37/ 3+7=10/ 1+0=1.
Kaya sa iyong tanong kung magbabago pa ba siya, ang sagot ay oo, kapag matanda at laos na siya, gayundin kapag mahina na ang katawan at wala na siyang lakas para mambabae pa.
May isa pang paraan para magbago ang babaerong Taong Uno at Kuwatro o sabihin na nating para hindi na sila mambabae, kailangang makakita sila ng outlet na ikasasaya nila. Bukod sa pambababae, isang halimbawa ang pamumulitika, ‘yun bang sikat at nakakapagyabang siya – sa ganu’ng sitwasyon, masayang-masaya ang mga Taong Uno at Kuwatro.
Samantala, hindi mo naman siya dapat iwanan dahil ang totoo ay nambabae siya, hindi dahil mahal niya ang kanyang babae. Bagkus, ang mas tumpak na dahilan ay una, gusto niyang magyabang at pangalawa ay gusto niyang maging masaya.
Kaya tulad ng nasabi na, hindi mo siya dapat iwanan. Gayundin, hindi mo talaga siya kayang iwanan dahil kung tutuusin, parang pinagtugma talaga kayo ng tadhana dahil ikaw ay Taong Tres (3), dahil sa birth date mong May 3, 1992.
Ang mga Taong Tres tulad mo ay sobrang matiisin at may pagkamartir, habang ang Taong Uno ay walang pakialam sa pamilya at mas mahal pa ang kanyang babae o bisyo, gayundin ang kanyang mga kaibigan.
Dahil dito, tugma kayo, kumbaga, ikaw si matiisin at may pagkamartir, habang siya naman ay ang nagbibigay sa iyo ng problema o sakit ng ulo at mga bagay na titiisin.
Kaya sa bandang huli, tulad ng naipaliwanag na, kahit ano pang kasalanan ang gawin niya, hangga’t nananatili ang pagiging Taong Tres mo, para na rin sa kinabukasan ng inyong mga anak, mananatiling buo ang inyong pamilya. Ibig sabihin, makakaya mo ring isakripisyo ang lahat, alang-alang sa iyong mga anak, gayundin para sa pananatili ng buong pamilya.
Sa kabilang banda, dapat ding maunawaan na ang mga Taong Tres, unconsciously o hindi nila namamalayan, habang nagtitiis, nagsasakripisyo at nagpapakamartir, du’n naman sila lihim na naging masaya at habambuhay na lumiligaya.




Comments