top of page

Paliwanag kaya oks magsama ang mag-dyowang taong trese at siete

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 6, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 6, 2022


Dear Maestro,


Ano ang mangyayari sa relasyon namin ng boyfriend ko? Sa ngayon ay magda-dalawang taon na kami, sa palagay n’yo, Maestro, magiging matagumpay at maligaya ba kami kung sakaling kami na ang nagkatuluyan at magtatayo ng sariling pamilya?


July 7, 1996 ang birthday ko habang September 13, 1994 naman ang boyfriend ko.


Umaasa,

Josielyn ng Batia, Bocaue, Bulacan


Dear Josielyn,


Ang Taong Siete (7) na tulad mo ay mabait, matino, mahina ang loob at conservative, habang ang Taong Trese (13) o Kuwatro (ang 13 ay 1+3=4), minsan ay kabilang na rin dito ang mga isinilang sa petsang 22 at 31, ay rebelde, may magulong kaisipan, pero ang gusto lang nila ay maging masaya.


Naging compatible ang numerong 7 at 13, dahil hanga ang mga Taong Siete sa mga Taong Trese, unconsciously nilang nasasabi, “Paano nagagawa ng mga Taong Trese ang kanilang kakaibang lakas ng loob at mga kalokohan, samantalang ako ay mahina ang loob at laging nakatindig sa paggawa ng tama at kabutihan?” Kaya naman, lihim na nama-magnet ng Taong Trese ang mga Taong Siete, dahil ‘yung nawawala sa buhay ng mga Taong Siete na challenges, lakas ng loob at kalokohan ay natatagpuan nila sa mga Taong Trese. Natsa-challenge naman ang mga Taong Trese sa kung paano nagagawa ng mga Taong Siete na magpakatino, samantalang wala silang ganu’ng ugali.


Bagama’t deep inside, sadyang mabuti at mabait din ang Taong Trese, hindi naman nila ‘yun ma-express sa aktuwal nilang buhay, sa halip, mas tinutulak sila ng kanilang sarili sa paggawa ng kung anu-anong makukulay na karanasan upang maging masaya sila.


Samantala, ‘yun din ang inner longing ng mga Taong Siete— ang gumawa ng kalokohan, na hinahangaan nila sa mga Taong Trese at kung paano nila nagagawang maging maligaya sa kabila ng kanilang mga ginagawa, na hindi kayang gawin ng Taong Siete. Kumbaga, hinahangad nila ang inner selves ng isa’t isa, kaya patuloy na gumugulo at nagiging maligaya ang kanilang relasyon.


Ang tanong ngayon, sa bandang huli, kaya bang magpakasama ng Taong Siete tulad ng Taong Trese at kaya bang iwanan ng Taong Trese ang pagiging maloko upang tularan ang pagiging matino at mabuti ng Taong Siete?


Hindi mangyayari, bagama’t sa umpisa ay may mga pagkakataong magagawa ng Taong Siete ang mga kalokohan ng Taong Trese, sa bandang huli, babalik siya sa pagiging Taong Siete— muli siyang titino, panghihinaan ng loob at magpapakabuti.


Habang maaaring sa simula ay magawa ng Taong Trese na magpakatino at maging maayos na ang tinatahak na buhay, pero dahil boring ito, babalik siya sa pagiging Taong Trese.

Kapag nangyari ‘yun, patuloy si Taong Trese sa pagiging bulabog, walang direksyon, malakas ang loob at kung ano-anong kalokohan dahil du’n siya masaya. Habang ang Taong Siete naman ay babalik sa pagiging mahina ang loob, tahimik, andap gumawa ng kalokohan at sa pagiging matino. Ang mga katangian nila ang magtutulak upang patuloy na umikot ang nasabing relasyon sa isang makulay na samahan, na sa bandang huli, dahil unconsciously ay kapwa nila hinahangad ang katangian ng bawat isa, tuloy-tuloy ang masaya, hindi maghihiwalay at panghabambuhay na pagsasama.


Kumbaga, ikot lang sila nang ikot sa siklo ng pinaghalong saya, boring, lungkot, maraming pakikipagsapalaran, marami ring suwerte, magulo at minsan ay tahimik na buhay — ‘yun ang magseselyo ng panghabambuhay nilang samahan, hanggang sa magkaanak na sila. Kapag nangyari ito, madadagdagan ng panibagong impluwensiya ng mga numero sa kanilang buhay, na siya namang simula ng bagong pag-asa, pag-unlad at panghabambuhay na kaligayahan sa mag-asawang Taong Trese at Siete.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page