Palad ng single mom na atat mag-asawa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 22, 2022

KATANUNGAN
Nakapag-asawa na ako noon, pero naghiwalay kami, limang taon na ang nakakaraan. Napansin ko na isa lang ang Marriage Line sa aking mga palad. Ibig sabihin ba nito ay hindi na ako makakapag-asawa pang muli? Kung hindi na ako makakapag-asawa, kakayanin ko bang pag-aralin at bigyan ng magandang kinabukasan ang aking dalawang anak?
Sa ngayon, umaasa lang ako sa mga magulang ko, pero nahihiya na ako dahil matatanda na sila at pension lang ang inaasahan nila. Kailan ako magkakaroon ng trabaho para hindi na ako umasa pa sa kanila?
May lalaki pa bang tatanggap sa aking kalagayan, gayundin sa mga anak ko?
KASAGUTAN
Hindi naman nag-iisa ang Marriage Line (Drawing A. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Sa halip, isa lang ang Marriage Line sa kaliwa mong palad (1-M arrow a.), ngunit kitang-kita na dalawa ang Marriage Line sa kanan mong palad (2-M arrow b.). Ibig sabihin, kapag magkaiba ang guhit sa kaliwa at kanang palad, tulad sa iyo na isa lang ang Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa, pero dalawa sa kanan (arrow a. at b.), ang mangyayari ay gagawin mo ang dapat mong gawin imbes na umasa ka sa kapalaran.
Sa mas malinaw na paliwanag, kung maghihintay ka lang na may dumating na lalaki sa buhay mo para makapag-asawa kang muli, pero hindi ka naman lumalabas ng bahay o hindi ka nakikisalamuha sa mga tao at hindi ka naman naghahanap ng trabaho, tunay ngang walang darating, dahil wala namang ikalawang Marriage Line (Drawing A. 2-M arrow b.) sa iyong kaliwang palad.
Dahil sa kanang palad lang may ikalawang Marriage Line (Drawing B. arrow b.), ibig sabihin, kailangang gamitin mo ang iyong will power o determinasyon at pagsisikap upang mabuhay, magkatrabaho at makapag-asawa kang muli. Ito ay dahil kapag inasa mo na lang sa kapalaran ang lahat ng pangyayari, tulad ng nagaganap sa iyong buhay, magiging palaasa ka sa iyong mga magulang at sa sarili mong pagsisikap at kapalaran ay tunay ngang wala nang mangyayaring maganda sa iyong buhay. Ibig sabihin, tumayo ka sa sarili mong mga paa at pagsisikap, sapagkat sa ganu’ng paraan, tuluyang gaganda at uunlad ang iyong kapalaran.
DAPAT GAWIN
Habang ayon sa iyong mga datos, Katlyn, kung maglalalabas ka ng bahay ngayon pa lang at maghahanap ng trabaho o mag-iisip at kikilos upang magkaroon ng sariling hanapbuhay at makatagpo ng ikalawang lalaking mapapangasawa, tiyak ang magaganap, sa taong 2024 at sa edad mong 33 pataas, hindi pa huli ang lahat dahil makakatagpo ka ng ikalawang lalaking magmamahal sa iyo habambuhay. Ang naturang lalaki ay isinilang sa zodiac sign na Libra, iaahon ka niya sa kahirapan hanggang sa tuloy-tuloy na umunlad at lumigaya habambuhay ang itatayo n’yong pamilya.




Comments