Palad ng mister na ‘di matutuloy ang planong one-night stand
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 5, 2022

KATANUNGAN
Noong binata ako, may babaeng may crush sa akin at gustong-gusto niya talaga ako, pero hindi naging kami dahil hindi niya ipinaglaban ang pagmamahal niya sa akin, hanggang sa nakapag-asawa ako ng babaeng dominante na hindi ko naman masyadong gusto. Tapos ‘yung babaeng may gusto sa akin ay nakapag-asawa rin ng lalaking hindi niya masyadong gusto. Nasa abroad ang mister niya at madalas kaming magkatawagan at close na ulit kami dahil nagkataong nasa abroad din ang misis ko.
Sa madaling salita, malapit na kaming magkita, pero hindi pa namin nase-set ang petsa. Napagkasunduan din namin na kahit ano ang mangyari sa aming relasyon, hindi namin iiwanan ang kani-kanyang pamilya para sa kinabukasan ng aming mga anak.
Hindi ko malaman kung dapat ba akong bumigay for sexual pleasure dahil dama kong ‘yun lang din ang habol niya sa akin. Maestro, nakaguhit ba sa aming mga palad na kami ay magkatikiman dahil hindi kami ang nagkatuluyan? Sa totoo lang, parang tukso ang mga pangyayari dahil kusang nagbabalik ang nakaraan upang gawin ang hindi namin nagawa noong binata at dalaga pa kami.
KASAGUTAN
“One-night stand” ang iniisip n’yo ngayon, ma-satisfy lang ang labis na pagnanasa n’yo sa isa’t isa dahil sa dalawang bagay. Una, dahil dati pa man, dapat ay kayo na, pero hindi nangyari at pangalawa, bumalik ang panahon upang maangkin n’yo na ang isa’t isa.
Gayunman, hindi mangyayari ang matagal n’yo nang pinagpaplanuhang one-night stand love affair dahil nananatiling matino at tuwid ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit tuksuhin ka ng nasabing babae, mananatili ang ugali mo na mabait, hindi basta-basta pumapatol sa mga babae at tapat sa asawa, kaya malamang na makakaya mo pa rin siyang iwasan.
Ngunit ang ikinaganda pa nito, kung sakali mang manaig ang tawag ng laman at pagnanasang seksuwal, magagalaw mo ang nasabing babae, pero tulad ng nasabi na, kahit paulit-ulit pa kayong mag-date, hindi mauuwi sa tunay na relasyon ang inyong sexual escapade dahil ito ay magiging panandalian lamang. ‘Ika nga ni Kuya Manoling, “Minsang maging mabuti ang isang tao, palagi na siyang magiging mabuti at matuwid. Minsan namang magpakasama ang isang tao, palagi na siyang gagawa ng mga bagay na lihis sa kabutihan.”
Subalit sa kaso mo, kakaiba ang mangyayari — sa minsang paggawa mo ng kalokohan o minsang pambababae, hindi na ito masusundan pa dahil duwag ka (Drawing A. at B. L-L, H-H arrow b.), kaya muli kang makakabalik sa matino at mabuting pamumuhay.
MGA DAPAT GAWIN
Palaging sinasabi ng mga lalaki kapag may babaeng obvious na nagpaparamdam sa kanila, “Kasalanan ko ba, eh, palay na ang lumalapit sa manok?” Oo, kasalanan pa rin ito ng lalaki dahil kahit palay na ang lumalapit sa manok, hindi ka naman manok. Bagkus, ikaw ay taong may rason na maaaring pumili ng tama at matuwid na pagpapasya. Kaya kahit mais, feeds o masarap na palay pa ang lumalapit sa isang lalaking may asawa na, dapat pa ring isaalang-alang ang moralidad at pagmamahal sa pamilya. Sa ganu’ng paraan, mapapanatili mo ang masaya, maligaya at panghabambuhay na tahanan.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Mr. Pogi, ang nakakatuwa, ngunit ‘wag mo nang gawin, anuman ang mangyari — kahit paulit-ulit kayong magtikiman ng sinasabi mong babae— magaganap ang pinag-usapan n’yong dalawa. Kahit nagde-date kayo, mananatili kayong tapat sa inyong mga asawa at pananatilihin n’yo pa ring buo ang inyong mga pamilya at habambuhay pa rin kayong magiging maligaya.




Comments