Palad ng ex-seaman na makakasampa ulit sa barko sa 2023
- BULGAR
- Apr 24, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 24, 2022

KATANUNGAN
Ako ay isang seafarer at mula nang magka-pandemya, hindi na ulit ako nakasampa sa barko kaya naubos ang ipon naming mag-asawa. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang malaman kung sa taon bang ito ay makakasampa na ako sa barko? Nagpalipat-lipat na ako ng agency, pero hindi pa rin ako natatawagan, parang malas ang taong ito sa aking buhay.
Sa palagay n’yo, Maestro, kung hindi ngayong taon, sa 2023 ba ay makakasampa na ba ako? Sa totoo lang, baon kami sa utang upang makaraos araw-araw, kaya sana ay maanalisa n’yo ang guhit ng aking mga palad upang malaman kung makakasampa na ako sa barko at makaaahon pa kami sa mga pagkakautang.
KASAGUTAN
Ang kailangan mo ay “backer” o isang hindi naman sa maimpluwensiyang tao kundi dati nang nag-abroad o sumasampa ng barko na siyang tutulong sa iyo upang matupad ang iyong hangarin na muling makapagbarko, sapagkat ang birth date mong 29 ay inihahanay sa weak number. At dahil weak number ang 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2), dapat may taga-tulak o taga-buyo sa anumang binabalak niyang gawin at ipatupad. Kaya kung sariling sikap lang, malabo o imposible kang makapagbarko sa panahong ito.
Kaya sa sandaling nakakita ka taong malalapitan upang makasampa ka ulit sa barko, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, kusa ring matutupad ang malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda ng mabunga at maluwalhating pagsampa sa barko, na madali namang kinumpirma ng gitnang bahagi ng iyong lagda, na kinakitaan din ng maaayos na pagkakadugtong na buhol o bilog-bilog na animo’y alon ng dagat, na nangangahulugang ngayon palang ay nasasagap na ng unconscious mong isipan ang maaaring susunod na mga kaganapan sa iyong career at kapalaran.
DAPAT GAWIN
Ram, ayon sa iyong mga datos, ituloy mo lang ang iyong pag-a-apply kasabay ng paghahanap ng mga backer o taong tutulong sa iyo at magpa-follow-up ng mga ipapasa mong papeles. Sa ganyang paraan, sigurado na ang magaganap sa taong 2023, sa buwan ng Enero o Marso— isang dating kakilalang nagba-barko na balbas sarado ang tutulong sa iyo upang matupad ang pangarap mo. At sa ikalawang pag-a-abroad na ito, unti-unti ka nang makakaahon sa mga pagkakautang hanggang sa tuluyan na muling umunlad at umasenso ang inyong pamilya habambuhay.



Comments