Palad ng dalagang takot ‘di makatuluyan ang second bf na nagyayang magpakasal
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 7, 2022

KATANUNGAN
May boyfriend ako at siya ang pangalawa sa mga seryosong naging boyfriend ko at nagyayaya na siyang magpakasal. Pero nang makita ko ang guhit ng aking palad, ito ay may tatlong Marriage Line na madalas n’yong ipaliwanag sa inyong mga artikulo.
Gusto kong malaman na kung sakaling magpakasal ako sa kanya, ibig sabihin ba nito ay maghihiwalay kami at may darating pang ikatlong pag-ibig o pakikipagrelasyon sa aking buhay?
Maestro, sana ay maipaliwanag n’yo ang mga sagot sa katanungan kong ito dahil napakahalaga nito sa papasukin kong pag-aasawa. Nakasalalay dito ang ikaliligaya ng bubuuin naming pamilya.
KASAGUTAN
Hindi naman porke tatlo ang nakitang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M, 2-M at 3-M arrow a., b. at c.) sa kaliwa at kanang palad ng isang tao, ang ibig sabihin ay tatlong beses siyang makapag-aasawa. Mali ‘yun!
Sa halip ang salitang “Marriage Line”, sa totoo lang ay ginamit lang sa mga libro sa Palmistry upang maging kumbinyete ang usapan at madaling maintindihan ng mga mambabasa. Pero ang eksaktong kahulugan ng Marriage Line ay mga relasyong sadyang mahaba, tumitimo at umuugit sa puso at isipan ng indibidwal, nag-sex man sila nito o hindi, ikinasal man sila o hindi, basta dumistorbo nang todo sa puso, kaluluwa at buhay ng nasabing nilalang, ang naturang relasyon ay itatala bilang guhit ng pag-aasawa o Marriage Line. Pero hindi ‘yun ang teknikal na ibig sabihin ng Marriage Line, sa halip ang mas angkop salita ay “mahalagang pakikipagrelasyon.”
Kaya sa napakalinaw na paliwanag, hindi ka mahihiwalay sa iyong asawa kung sakali ngang pakasalan mo na ang iyong boyfriend ngayon. Sapagkat, napakaganda at good looking naman ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ang masarap at maligaya n’yong pagsasama bilang mag-asawa ay pinatunayan din ng maganda at good looking Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kapag ikaw ay nag-asawa at napangasawa mo ang kasalukuyan mong boyfriend, walang problema, magiging suwebe, masaya at maligaya ang inyong bubuuing relasyon at pamilya.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Aileen, puwede mo nang pakasalan ang kasalukuyan mong boyfriend, higit lalo at batid mo namang siya ang ikalawang lalaking inibig mo nang seryoso at tunay na minahal. Gayundin, nagkataong siya ang ikalawang malinaw at magandang Marriage Line (2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagpapahiwatig na sa sandaling napangasawa mo siya, tiyak na ang maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments