Palad balak na pag-a-abroad, mister todo kontra
- BULGAR
- Jul 7, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | July 7, 2023

KATANUNGAN
Kung tutuusin masaya naman ang pamilya namin, kasi mayroon akong mabait at responsableng mister. Ang problema lang talaga namin ay ang tungkol sa pera. Mahina ang kita niya sa pinapasukan n’yang kumpanya habang ako naman ay nasa bahay lang.
May tatlo kaming mga anak at ang panganay ay gradweyt na ng senior high school. Ang pinoproblema ko ngayon ay kung saan kami kukuha ng pera pangkolehiyo niya.
Binabalak ko ngayong mag-abroad kaya lang ayaw naman akong payagan ng mister ko. Malungkutin at mahina kasi ang loob niya. Parehong mahina ang loob namin kaya walang mangyayari sa buhay namin.
Kaya naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang itanong kung ano kaya ang maganda naming gawin para umunlad ang aming kabuhayan at mapag-aral namin ang aming mga anak sa kolehiyo upang hindi sila matulad sa amin na hindi nakatapos ng pag-aaral.
KASAGUTAN
Tama ang iniisip mo, Reyna Lyn, kailangang n’yong magsikap dahil kung walang magsisikap sa inyong dalawa, tama ka, tulad n’yo lalaki rin ang mga bata na ‘di makakapagkolehiyo, kaya ang ending wala rin silang magiging future.
Samantala buti na lang at kinakitaan ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) ang kaliwa at kanan mong palad, nangangahulugang kahit na ngayon ay medyo kontrabida pa si mister sa binabalak mong pangingibang-bansa, ‘wag kang mag-alala, darating at darating din ang panahon na mapapahinuhod mo si mister hanggang sa bandang huli mapilitan na rin siyang pumayag sa gusto mong pangingibang-bansa.
Ang pag-aanalisang magkakasundo naman kayo sa bandang huli at papayagan ka rin ni mister na mag-abroad ay madali namang kinumpirma ng hiwalay na Life Line at Head Line (Drawing A. at B. L-L at H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mon palad. Tanda na sa sandaling nakita ng iyong asawa na pursigidung-pursigido ka makapag-abroad upang umunlad ang inyong buhay, hindi na rin siya makakakontra sa sandaling nalalapit na ang iyong pag-alis na tinatayang magaganap sa second quarter ng taong 2024.
DAPAT GAWIN
Tulad ng nasabi na Reyna Lyn tama ang iniisip mo, kung saan, ayon sa iyong datos basta’t magsikap ka lang mag-apply sa abroad, sa buwan ng Mayo hanggang Hunyo, sa susunod na taong 2024 edad mong 34 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran na magiging simula upang makaahon sa kahirapan ang inyong pamilya hanggang sa mapag-aral n’yo na sa kolehiyo ang inyong mga anak at tuluyan na rin silang magkaroon ng isang asensado at maunlad pamumuhay ang inyong pamilya.







Comments