Search
  • BULGAR

Pakikipagrelasyon ng Metal Horse, dapat ipagpaliban ngayong 2020 para magpokus sa career

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | June 25, 2020


Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Horse ngayong Year of the Metal Rat.

Alalahaning ang Horse o Kabayo ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento. Ang iba’t ibang uri ng Kabayo base sa taglay niyang elemento ay ang mga sumsunod:


  • Metal Horse o Bakal na Kabayo - silang mga isinilang noong 1930 at 1990

  • Water Horse o Tubig na Kabayo - silang mga isinilang noong 1942 at 2002

  • Wood Horse o Kahoy na Kabayo - silang mga isinilang noong 1954 at 2014

  • Fire Horse o Apoy na Kabayo - silang mga isinilang noong 1966

  • Earth Horse o Lupa na Kabayo - silang mga isinilang noong 1978 at 1938

Sa isyung ito, ang tatalakayin natin ang magiging kapalaran ng Metal Horse o ang Bakal na Kabayo.


Ngayong 2020, bagama’t maraming pagsubok na kakaharapin, kabilang ang mga pagsubok na may kaugnayan sa career, pinansiyal at pakikipagrelasyon, may pangako namang sa malapit na hinaharap, dahil sa pagkakaroon ng mabuting puso at matuwid na pamumuhay, unti-unti na ring babalik ang mga dating suwerte at magagandang kapalaran na dati mo nang hawak at madaragagan pa ito nang doble at mas marami.


Dagdag pa rito, dahil ang Metal Horse ay likas na malaya at ayaw na ayaw niyang hinahadlangan ang kanyang mga lakad, kaya ngayong 2020, ipagpipilitan ng iyong kapalaran na ikaw ay muling makalaya upang magawa nang husto ang mga gawaing dati mo nang ginagawa at kung tuluyan nang makakabalik ang Metal Horse sa dati niyang mga ginagawa, ito ang magiging dahilan upang gumanda ulit nang gumanda ang kanyang kapalaran hanggang sa siya ay tuluyan na muling suwertehin at datnan ng ibat-ibang uri ng buwenas sa mga nalalabi pang buwan ng 2020.


Sa career at sa pinansyal na aspeto, hindi iminumungkahing magdagdag ng puhunan o effort ang Metal Horse. Sa halip, mas mainam kung pananatilihin niya ang dati nang puhunan at pagsisikap. Kumbaga sa magsasaka, walang dapat gawin ang Metal Horse ngayong taon kundi hayaan na lumipas at dumaan ang malalakas na bagyo o sigwa sa kanyang bukirin at pagkatapos nito, saka lang siya muling lumabas ng bahay at magtanim. Ibig sabihin, mas maganda kung “at ease” muna ang lahat ng pinagkakakitaan at ‘wag itong hayaang mawala, pero ‘wag namang maghangad ng mas malalaki pang kita dahil may babala na mapahamak ang kanyang kabuhayan ngayong taon at mahulog sa tuluy-tuloy na pagkalugi at pagkakamali ng mga desisyon.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, kung ikaw ay wala pang karelasyon o asawa, hindi iminumungkahing mag-asawa o makipagrelasyon ngayong 2020. Sa halip, hindi dapat mag-apura sa pakikipagrelasyon dahil sa 2021 ang the best na panahon para sumuong sa seryoso at totohanang relasyon. Kung ikaw ay Metal Horse na single, ituon muna ang energy at time sa career at pagpaparami ng ipon o pera upang tuluy-tuloy na lumago ang savings na magagamit para sa future.


Sa mga may asawa na, may pamilya at may karelasyon, bagama’t makakaranas ng bahagyang problema o tampuhan, ito ay pansamantala lang dahil sa malapit na hinaharap ay muling iinit ang relasyon. Kung may mga tampuhang nagaganap, mag-ingat dahil may babala na maaaring kusa kang mapalapit sa dati nang mga kasama at kaibigan na maaaring mauwi sa lihim na relasyon. Ang mga relasyong ito na bigla-bigla na lang dumating at na-develop ang dapat iwasan upang mapanatili ang masaya at panghabambuhay na pamilya.


Sa pangkalahatan, bagama’t maraming suliraning nangyari at naganap sa bungad ng 2020, dahil sa COVID-19 pandemic, pagpasok ng Hulyo, umasa kang unti-unti nang magbabalik sa normal ang lahat at ang dating magandang career at hanapbuhay ay bababalik sa dati niyang sukat, kasabay ng pagkakaroon ng mas masarap at maligayang karelasyon.

Itutuloy

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.