Pahiwatig ng tagumpay sa mga plano at hinahangaan ng mga tropa
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 1, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Adrian ng Pasig.
Dear Maestra,
Isa ako sa madalas na magpaanalisa sa inyo ng panaginip. Ang husay n’yo kasing magbigay ng kahulugan sa mga panaginip. Totoong-totoo ang interpretasyon n’yo sa mga panaginip na ipinaanalisa ko sa inyo, kaya heto na naman ako upang sumangguni.
Napanaginipan ko na kasama ko ang aking mga kaibigan, tapos nagkatuwaan kami na mag-target shooting sa isang exclusive place. Dalawang beses akong sumubok, nu’ng una, nasapul ko ‘yung target, kaya hangang-hanga ang mga kaibigan ko sa akin. Sa pangalawang subok ko, hindi ko tinamaan ang target, kaya naupo at nanood na lang ako kahit tatlong beses ako dapat sumubok.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Adrian
Sa iyo, Adrian,
Ang ibig sabihin ng nasapul mo ang target sa unang try at hangang-hanga sa iyo ang mga kaibigan mo, magtatagumpay ka sa binabalak mong gawin dahil may mga kaibigan ka na handang tumulong sa iyo.
‘Yun namang hindi mo nasapul o sumablay ka, ito ay nangangahulugan na mahihirapan kang maisakatuparan nang tuloy-tuloy ang iba pang proyekto na gusto mong isakatuparan. Masyado kang maraming binabalak at halos sabay-sabay ang mga ito.
Samantala, ang sabi mo ay naupo at nanood ka na lang sa mga kaibigan mo, ito ay nagpapahiwatig na karamihan sa kanila ay iniidolo mo. Hanga ka sa kanila, samantalang sila naman ay ikaw ang hinahangaan. Kumbaga, ikaw ang kanilang inspirasyon.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments