Pahiwatig ng suwerte sa pera, pag-ibig at magandang kalusugan
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 9, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Josie ng Zambales.
Dear Maestra,
Single pa rin ako at nangangarap na makatagpo ng katapat ko na siyang magiging kabiyak ng puso ko.
Napanaginipan ko na may na-in love sa akin na matandang lalaki. Pumunta siya sa bahay para umakyat ng ligaw, tapos binigyan niya ako ng ivory o pangil ng elepante. Pampasuwerte raw ‘yun kaya tinanggap ko at masayang-masaya ako.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Josie
Sa iyo, Josie,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may na-in love sa iyong matandang lalaki ay financial success, kung saan susuwertehin ka sa pananalapi at hindi ka na kakapusin sa pera.
Ang ibinigay sa iyong ivory o pangil ng elepante ay nangangahulugan na magiging masuwerte ka rin sa pag-ibig. May makikilala kang malambing, mayaman, palabiro at mabait na lalaki. Siya ay isang matagumpay na businessman at maaaring siya na ang pinapangarap mong kabiyak ng puso.
Samantala, ang sabi mo ay masayang-masaya ka dahil sa pampasuwerte na ibinigay ng na-in love sa iyong matandang lalaki. Ito ay nagpapahiwatig ng magandang kalusugan. Nangangahulugan din ito na makakatanggap ka ng pera dahil may mamanahin kang salapi mula sa yumao mong mahal sa buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments