Pahiwatig ng sunod-sunod na kamalasan
- BULGAR
- Aug 28, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 28, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Norbert ng Pasig City.
Dear Maestra,
Kumonsulta ako sa inyo dahil gusto kong malaman ang kahulugan ng aking panaginip.
Napanaginipan ko na maraming daga sa bahay ko, tapos mayroon ding mga gamu-gamo.
Ano ang ipinahihiwatig ng mga ito?
Naghihintay,
Norbert
Sa iyo, Norbert,
Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na maraming daga sa bahay mo ay mag-ingat ka sa mga taong nakapaligid sa iyo. May binabalak na hindi maganda ang mga kapitbahay mo laban sa iyo. Napagkakaisahan ka nila dahil sa sobrang inggit. Dahil dito, talasan mo ang iyong pakiramdam upang maiwasan ang nagbabantang gulo sa buhay mo bago pa ito matuloy.
Samantala, ang mga gamu-gamo naman ay nangangahulugan ng sunod-sunod na kamalasan dahil sa paninirang puri o tsismis na gawa ng iyong mga kapitbahay. Ibayong pag-iingat ang dapat mong gawin, gayundin, gamitin mo ang talas ng pakiramdam at maging mapagmasid ka sa lahat ng oras.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna


Comments