Pahiwatig ng masayang buhay may-asawa at biglang suwerte
- BULGAR
- Jan 25, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 25, 2022
Analisahin natin ang kahulugan ng panaginip na ipinadala ni Bernard ng Albay.
Dear Maestra,
Kumusta na kayo? Nawa’y maayos ang kalagayan n’yo sa panahong ito ng pandemya.
Napanaginipan ko na hirap na hirap kami sa buhay kahit mayroon kaming lupang sakahan na minana pa namin sa aming ninuno. Pumunta ako sa bukid namin para mag-araro at maghapon akong nag-araro at hindi ko ininda ang sikat ng araw. At kahit nakaramdam ako ng gutom, tuloy-tuloy pa rin ang pag-aararo ko. Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Bernard
Sa iyo, Bernard,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na ikaw ay maghapong nag-aararo at kahit makaramdam ng gutom ay tuloy-tuloy ka pa rin ay kaligayahan sa buhay may-asawa. Ibig sabihin, kuntento at masaya ka sa piling ng iyong pamilya. Maluwag na maluwag ang iyong isipan at panatag na panatag ang kalooban.
Samantala, ang ibig sabihin naman ng sa kabila ng pagsusumikap mo ay mahirap pa rin ang kalagayan n’yo, kabaligtaran ang kahulugan nito. May matatanggap kang malaking halaga. Bigla kang susuwertehin sa pananalapi kung saan yayaman at pagpapalain ka na. Gayundin, hindi ka na daranas pa ng kahirapan sa iyong pamumuhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments