Pahiwatig ng kabiguan, pekeng kaibigan at magulong isip
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 27, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ardy ng Dipolog City.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na may dala akong basket na walang laman. Pumunta ako sa bukid namin upang pumitas ng beans, tapos hindi ko makita ‘yung tsinelas ko, kaya naglakad ako nang walang sapin sa paa. Pinuno ko ng beans ‘yung basket at pagdating sa bahay ay niluto ko agad ang inani kong beans at kinain ko ito.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Ardy
Sa iyo, Ardy,
Ang ibig sabihin ng may dala kang basket na walang laman ay babala ng kabiguan. Mabibigo ka sa pinapangarap mong makamit kung panghihinaan ka ng loob. Ang naglakad ka nang walang sapin sa paa dahil hindi mo makita ang iyong tsinelas ay nangangahulugan na may mga kaibigan ka na nagkukunwaring kaibigan, pero lihim mo palang kaaway. Ang pinuno mo ng inani mong beans ang basket ay nagpapahiwatig na malalagpasan mo ang mga pagsubok na kakaharapin mo kung magiging matatag, mapagpasensya at matiyaga ka sa anumang hamon ng buhay.
Samantala, ‘yung niluto mo pagdating ng bahay ang inani mong beans at kinain ito ay nangangahulugan ng magulong pag-iisip. Maguguluhan ka sa dami ng problema sa buhay, pero huwag kang mag-alala dahil taimtim na dasal lang ang katapat niyan. Ugaliin mong magdasal araw-araw at huwag kang makakalimot na tumawag sa Diyos.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments