- BULGAR
Pahiwatig na mayaman at guwapo ang mapapangasawa
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 8, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Govinda ng Tarlac.
Dear Maestra,
Tagahanga ako ng kolum n’yo at gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko. Napanaginipan ko na dinalaw ako ng boyfriend ko, tapos may dala siyang maliit na box at inabot niya ito sa akin. Nang buksan ko ang box, may laman itong mamahaling bracelet at siya mismo ang nagsuot nito sa akin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Govinda
Sa iyo, Govinda,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may inabot sa iyong maliit na box ang boyfriend mo ay may naghihintay sa iyo na magandang kapalaran sa darating na mga araw. Ang bracelet naman na laman ng box, at mismong boyfriend mo ang nagsuot sa iyo ay nangangahulugan na kahit may relasyon na kayo, posibleng ma-in love ka pa sa iba.
Samantala, ang mamahaling bracelet naman ay nagpapahiwatig na hindi ang boyfriend mo ang iyong mapapangasawa, sa halip, isang mayaman, guwapo at napabibilang sa ginagalang na angkan ang nakatakdang mapangasawa mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna