Pahiwatig na matutupad ang pangarap na makapag-asawa ng mayaman
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 21, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Grace ng Masbate.
Dear Maestra,
Sa edad na 23, single pa rin ako at nangangarap na makapag-asawa ng pogi at mayaman. Mataas talaga ang pangarap ko kahit napabibilang ako sa mahirap na angkan. Sabi nga, wala namang masama kung mangarap nang mataas at libre namang mangarap.
Napanaginipan ko na nasa palasyo ako at kausap ang hari. May gusto sa akin ang nasabing hari at ganundin naman ako. Kumbaga, na-love at first sight kami sa isa’t isa, tapos may inabot siyang mga susi sa akin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Grace
Sa iyo, Grace,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa palasyo ka at kausap mo ang hari ay tatanggap ka ng parangal sa inyong lugar. Kikilalanin at rerespetuhin ka, gayundin, makakatanggap ka ng malaking halaga bilang premyo sa achievements mo.
Ang sabi mo ay 23-anyos ka at single pa. Nagpapahiwatig din ang panaginip mo na makakapag-asawa ka ng mayaman at may mataas na posisyon sa kanyang pinapasukang kumpanya.
Samantala, ang mga susi na ibinigay ng hari sa iyo ay nagpapahiwatig ng kasaganaan at tagumpay sa kasalukuyan mong gawain. Ito rin ay nangangahulugan na sa sandaling mag-asawa ka na, mabubuntis ka agad at magkakaanak ng marami.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments