- BULGAR
Pahiwatig na makakatanggap ng pera mula sa abroad at babala na mapapaaway sa trabaho
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 11, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Florie ng Samar.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na naglalakad ako sa street namin, tapos may bagong tayo na botika sa barangay namin at nakita ko ‘yung pinsan ko dahil du’n siya nagtatrabaho. Tinanong ko kung hiring pa sila hanggang ngayon at sabi niya, kailangan nila ng manager. Nag-apply ako at natanggap naman agad ako dahil lahat ng nagtatrabaho ru’n ay kasamahan ko sa simbahan.
Kinabukasan, nagsuot ako ng magandang damit na kulay pink for another interview at pula ang uniform du’n. Sinamahan ako ng isang empleyado na pumunta sa first floor, tapos hinubad ko ‘yung sapatos ko nang umakyat kami. Napadaan kami sa silid ng ibang mga empleyado na nagbe-bed space ru’n, nakahiga silang lahat at nakakumot, tapos nagpaiwan na ru’n ‘yung naghatid sa akin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Florie
Sa iyo, Florie,
Napakaganda ng ipinahihiwatig ng panaginip mo na nag-apply ka sa bagong tayong botika sa barangay n’yo dahil ito ay nangangahulugan ng magandang kapalaran, kung saan susuwertehin ka sa darating na mga araw. ‘Yun namang madali kang natanggap dahil kasamahan mo sa simbahan ang mga empleyado ru’n ay nangangahulugan na may matatanggap kang magandang balita mula sa kasamahan mo sa simbahan. Ito rin ay nagpapahiwatig na may paparating na pera mula sa malayong lugar. Posibleng makatanggap ka ng pera galing sa abroad.
Gayunman, ang sabi mo ay sinamahan ka ng isang empleyado na pumunta sa first floor at iniwan mo ang iyong sapatos, ito ay nagpapahiwatig ng maginhawang pamumuhay na may kaakibat na karangalan. Pararangalan ka sa inyong lugar dahil naabot mo ang tagumpay sa kabila ng hirap na iyong pinagdaanan.
Ang damit na pink na suot mo ay nangangahulugan ng pag-ibig, kung saan liligaya ka na sa love life. Ang pulang uniform ng mga empleyado ay nagpapahiwatig ng away kung hindi ka matututong makisama sa mga bago mong kasamahan sa trabaho.
Samantala, ‘yung nakahiga at nakakumot ‘yung mga nagbe-bed space na empleyado ru’n at nagpaiwan ang naghatid sa iyo ay nangangahulugan na ang ilan sa mga kaibigan mo ay hihingi ng tulong sa iyo. Huwag mo silang pagkaitan dahil balang-araw, sila naman ang dadamay sa iyo sa sandali ng kalungkutan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna