top of page
Search
  • BULGAR

Pahiwatig na makakapag-asawa ulit at forever nang sasaya

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 13, 2022


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rebecca ng Samar.


Dear Maestra,


Una sa lahat, binabati ko kayo sa napakagandang kolum n’yo tungkol sa panaginip. Palagi ko itong sinusubaybayan at madalas akong magpaanalisa sa inyo.


Biyuda na ako, pero napanaginipan ko na nag-asawa na ako, tapos um-attend kami ng isang programa sa lugar namin. Umawit muna ng national anthem, tapos sumabay kaming mag-asawa sa pag-awit. Maya-maya, binigyan ng trumpeta ang asawa ko at inutusang patunugin ito. Sumunod naman siya at nagulat ang lahat nang marinig ang malakas na tunog ng trumpeta.


Ano ang kahulugan ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rebecca



Sa iyo, Rebecca,


Ang ibig sabihin ng may asawa ka na gayung ikaw naman ay biyuda sa totoong buhay ay malapit ka nang mag-asawa ulit at magiging maayos ang pag-aasawa mo. Gayundin, kasaganaan at kaunlaran ang mararanasan mo sa piling ng magiging asawa mo, kaya huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa. Huwag mo nang pakawalan ang nag-aalok sa iyo ng kasal, kumbaga, sunggaban mo agad.


‘Yun namang sabay kayong umawit ng national anthem, ito ay nagpapahiwatig ng kaligayahan, tagumpay sa larangan ng pag-ibig kung saan lahat ng pinapangarap mo sa taong iyong mapapangasawa ay mapasasaiyo. Gayundin, yayaman kayo, uunlad sa buhay at magsasama hanggang sa huling sandali ng inyong buhay.


Samantala, ang trumpeta naman na ibinigay sa asawa mo at inutusan siyang patunugin ito ay halos pareho ang kahulugan — tagumpay, kasaganaan at kaligayahan sa buhay kasama na ang maligayang buhay pamilya.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page