Pahiwatig na inilayo ang sarili sa mga tropa kaya super-lungkot ngayon
- BULGAR

- Aug 25, 2020
- 2 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 25, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Romalyn na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nakita ko sa panaginip na may naglalakad na aso. Lakad siya nang lakad at nang makarating siya sa ilog, tumalon siya at hindi ko na nakita.
Noong mga nakaraang araw, napapanaginipan ko ang aking lola na matagal nang patay. Sabi niya, “Halika, aayusin ko ‘yung damit na suot mo,” parang buhay siya sa aking panaginip, pero limang taon na siyang patay.
Mayroon din akong panaginip kay lola kung saan sinabi niya na sabay kami kumain para masaya ako at kukuwentuhan niya ako ng naging buhay nila ni lolo. Ano ang mensahe ng mga ito?
Naghihintay,
Romalyn
Sa iyo Romalyn,
Masasalamin sa mga panaginip mo na pinananahanan ka ng lungkot at ang iyong kalungkutan masyadong malalim. Ibig sabihin ng masyadong malalim na lungkot ay malungkot, hindi lang ang mukha mo kundi pati ang iyong buong pagkatao.
Ito rin ay nagsasabing ang mga ating kaibigan na dapat ay mapagkukunan natin ng saya sa panahon na tayo ay nalulungkot, para sa iyo, hindi mo na sila pinapansin, as in, inilayo mo ang sarili mo sa kanila.
Kaya ang pahabol na kahulugan ng “malalim” ay hindi ka na maabot ng iyong mga kaibigan na sana ay magpapasaya sa iyo ngayon.
Ang puwede mong gawin ay nasa panaginip mo rin na nagsasabing sa iyong pag-iisa at katahimikan, balik-balikan mo ang kuwento ng lola mo. Subukan mo ito at tiyak na ilang araw lang ay magbabalik ang iyong sigla. Gayundin, bubukas ang isipan at puso mo kung saan muli kang mangangarap na muli kang umibig.
Bubukas lahat sa iyo at kasabay nito, bubukas ang maraming pintuan ng magagandang oportunidad sa bagong mundo na iyong lalakaran.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo







Comments