- BULGAR
Pahalagahan ang ayudang ibinibigay ng gobyerno, plis lang!
@Editorial | July 3, 2022
Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang P6.20 bilyong pondo para masakop ang unang tranche ng Targeted Cash Transfer (TCT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa DBM, ipamamahagi sa 6 na milyong benepisaryo ang cash subsidy mula sa pinakamahihirap na 50% ng populasyon ng bansa. Ito ay sa gitna pa rin ng pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang bilihin.
Partikular ang 4 na milyong households na nakatala sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at 2 milyong social pension beneficiaries.
Ang mga benepisaryo ay tatanggap ng P500 buwanang cash subsidies para sa anim na buwan na ipamamahagi sa tatlong tranches.
Inaasahang makatatanggap sila ng P1,000 para sa unang tranche, na ipamamahagi sa pamamagitan ng mga cash card na inisyu ng LandBank of the Philippines o iba pang naaprubahang paraan ng distribusyon.
Mainam na kahit paano ay may pondong naipamamahagi ang gobyerno sa mga higit na nangangailangan.
Ang pakiusap naman sa mga nakatatanggap, pahalagahan natin ito. Sa halip na ilaan sa bisyo ay ipambili ng pagkain o gamot.
Tandaan, ang bawat sentimo ng ayudang natatanggap ay mula sa 'ika nga'y dugo't pawis ng bawat mamamayan.