Pagtulong sa pamilya, kaligayahan ng taong singko
- BULGAR
- Oct 9, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 9, 2022
Dear Maestro,
Palagi akong nagbabasa ng kolum n’yo dahil nagkakatotoo ang mga sinabi n’yo sa inyong mga artikulo. Halimbawa, sa kaso ko na tinatawag na “double five”, singko (5) kasi ang birth date ko, gayundin ang aking destiny number. Nakapagpatayo ako ng sariling bahay, nakakapag-travel o nakapag-abroad na rin ako, pero ang ipinagtataka ko ay bakit hindi ako nakakaipon? Sa totoo lang, sobrang matulungin ako sa aking pamilya.
Maraming salamat sa inyong tugon at sana ay mapayuhan n’yo ako kung paano makakaipon upang lalo pang sumagana at umunlad ang aming pamumuhay.
Gayundin, ako ay may nunal sa kanang bahagi ng mukha at nasa ilalim ito ng cheek bone. Ano ba ang kahulugan nito? July 14, 1973 ang birthday ko.
Umaasa,
Cindy ng Bulihan, Malolos City, Bulacan
Dear Cindy,
Ang magandang nunal ay ‘yung nakalantad o nakikita. Dahil ‘yung nakatago o hindi pansining nunal, kung tutuusin ay parang hindi siya nunal dahil walang nakakakita. Kaya para lalong gumanda ang kapalaran, kailangang kapag nakikipag-usap ka, pilitin mong mapansin nila ang nunal mo upang madaling pumabor sa iyo ang magandang kapalaran.
Hinggil naman sa iyong tanong kung paano makakaipon, sa sandaling dumausdos sa pagitan ng mga daliri ang Fate o Career Line, gayundin ang Business o Sun Line sa kaliwa at kanang palad ng isang indibidwal, ito ay indikasyon na siya ay medyo magastos at palaging nangangati ang kamay upang bumili ng mga bagay na hindi naman kailangan. At dahil hindi naka-budget ang paggastos, mabilis na lumalabas at nauubos ang pera.
Samantala, ayon sa birthday mong July 14, 1973, sadyang ganu’n ang katangian ng mga Cancer—ang tumulong sa pamilya, dahil bukod sa Pisces na isa ring “family oriented sign”, ang Cancer ay ganundin. Sadya silang mapagmahal at maawain sa bawat miyembro ng kanilang pamilya.
Kaya ang mga Pisces at Cancer, kahit sila ay mayaman na, gayundin, kahit saan sila makarating, palagi at paulit-ulit pa rin silang babalik sa kinamulatan nilang pamilya upang ito ay tulungan. Dahil ang itinakda sa kanila ng kapalaran, hindi nila alam na ang pagbabalik nila sa kinalakihang pamilya ang lihim na nagpapasigla, nagpapalakas at nagbibigay ng ligaya sa kanila.
Samantala, ituloy mo lang ngayon ang lahat ng plano, pangarap at mga gusto mong gawin at kahit sabihin pang 49-anyos ka na ngayon, masasabing marami pang nakatago na magagandang kapalarang inilaan sa iyo ang tadhana, na hindi pa lubusang napapakinabangan.
Lulutang ang lahat ng magagandang kapalaran na inilaan ng tadhana sa mga taong nagtataglay ng numerong singko na kagaya mo, kung tulad sa isang gulong ng sasakyan ay patuloy kang aandar at kikilos na may kaugnayan sa pagkakaperahan. Kung hindi ka tumigil sa pag-usad at pagkilos hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa salapi at materyal na bagay, ayon sa Decadens ng Kapalaran, sa taong kasalukuyan hanggang sa taong 2027 at sa edad mong 55 pataas, magbubunga ang iyong mga pagsisikap at sa nasabing panahon, makakaipon ka na hanggang sa tuloy-tuloy nang yumaman.




Comments