Pagtangkilik sa mga produktong lokal ang magbabangon sa ekonomiya ng ‘Pinas
- BULGAR

- Oct 8, 2020
- 1 min read
@Editorial | October 8, 2020
Maraming naidulot ang COVID-19 pandemic, isa na rito ang iba’t ibang aral sa buhay.
Ito ang panahon na mas pinahahalagahan ang buhay, pamilya at ang kung anong meron tayo.
May iba naman na nakahanap ng pagkakataon para magkaroon ng mga bagong pananaw sa buhay.
Bagama’t ang karamihan ay talagang tumutok sa kung paano malalampasan ang krisis na ito. Paano makakakain, makabibili ng iba pang mga pangunahing pangangailangan at makakabayad sa mga gastusin?
At dahil likas sa mga Pinoy ang pagiging madiskarte, talagang lumabas ang ating galing sa kung paano makaraket o kumita ng pera. Kapansin-pansing dumami ang pumasok sa pagnenegosyo. Lahat ng puwedeng mapagkakitaan ay talagang hindi pinalalampas.
Bagay na hindi lang magtatawid sa pangangailangan ng pamilya kundi, makatutulong din sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Kaya hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mamamayan na tangkilikin ang mga sumibol na negosyo at maging ang mga dati na, partikular ang mga produkto na gawa sa mga lokal.
Ito na ang magandang pagkakataon para mabigyan din ng halaga ang mga gawang lokal na alam naman nating palaban ang kalidad subalit, nasasapawan ng mga imported na mura nga, palpak naman.
Sa totoo lang, walang ibang magtutulungan kundi tayo. Hindi tayo dapat maglaglagan para umangat sa halip, kailangan nating magtulungan para maiangat ang bawat isa.


Comments