Pagtaas ng dengue cases sa ‘Pinas, tutukan!
- BULGAR

- Aug 15, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | August 15, 2020
Ngayong tag-ulan, uso na naman ang iba’t ibang sakit.
Nariyan ang ubo’t sipon, lagnat o trangkaso, leptospirosis at dengue. Sa panahon ngayon, napakahirap magkasakit dahil hindi natin alam kung ordinaryong trangkaso ba ito o sintomas na ng COVID-19. Tipong ‘pag masama ang pakiramdam, matatakot agad imbes na magpagaling o magtungo sa pagamutan.
Samantala, habang tumataas ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa, marami na rin ang tinatamaan ng dengue.
Ayon sa Department of Health (DOH), mahigit 50,000 kaso ng dengue ang naitala mula noong Enero hanggang Hulyo ngayong taon, na mababa kumpara noong nakaraang taon sa parehong buwan.
Sa nakaraang ulat sa Pangasinan, 13 katao ang nasawi dahil sa sakit. Ayon sa Pangasinan Provincial Health Office (PHO), biglang tumaas ang kaso sa lalawigan.
Ayon sa report, noong Mayo, may 935 naitalang kaso ng dengue sa naturang lalawigan at siyam ang namatay.
Gayundin, may naiulat na kaso ng dengue sa Bulacan, Pampanga at Bataan kung saan ang sunud-sunod na pag-ulan at pagbaha sa naturang mga lugar ang itinuturong dahilan.
Kung tutuusin, nakababahala kung tuluyan pang dadami ang tatamaan ng dengue habang tayo’y nakikipaglaban sa COVID-19.
Kaya panawagan sa DOH, gumawa rin ng hakbang para mabigyan ng atensiyon ang dengue. Habang nakatutok tayo sa COVID-19, ‘wag nating kalimutan na nakamamatay din ang sakit na ito at kadalasang bata ang mga biktima.
Tayo namang mamamayan ay dapat maging bahagi ng solusyon. Tandaan na ilan sa sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, ihi na kulay kape, pamamantal ng balat at pananakit ng katawan.
Ugaliin nating maglinis ng paligid, takpan ang imbakan ng tubig at sirain ang mga lugar na puwedeng pamahayan at itlugan ng lamok tulad ng basyo ng bote at gulong ng sasakyan. Linisin din ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig.
Kung takot tayo sa COVID-19, banta rin sa buhay ang dengue at maaari natin itong maagapan kung tayo ay agad na kikilos at magtutulungan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com6





Comments