Pagsunod sa health protocols, ‘di na kailangang i-memorize, dapat ‘matik na!
@Editorial | March 26, 2021
Bagama’t tila kasama na sa pang-araw-araw na pamumuhay ng marami ang mga pag-iingat sa COVID-19, tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at iba pa, hindi talaga nawawala ang mga pasaway na dedma kahit malaki na ang epekto ng pandemya.
Sila ‘yung mali ang pagsusuot ng face mask, may face shield nga ay nasa ulo naman.
Alam namang may social distancing, ayaw pa rin maghiwa-hiwalay at kung mapaglakwatsa ay akala mo walang nakamamatay na virus sa paligid, gala pa more! Tsk!
At dahil muli na namang tumaas ang kaso ng COVID, na ang masaklap ay hindi lang doble kundi nasa triple pa ang itinaas ng kaso mula noong nakaraang taon, humiling ng karagdagang tulong ang gobyerno, partikular ang Department of Transportation (DoTr) sa PNP at sa publiko para maisumbong sa kanila ang mga lumalabag sa health protocols na ipinatutupad sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay DoTr Undersecretary Ochie Tuazon, limitado lamang ang kanilang tauhan para masita ang mga lumalabag. Dagdag pa niya, sakaling may mga masita ay kanila itong pagpapaliwanagin bago patawan ng multa.
Isa ang pampublikong transportasyon sa mga dapat bantayan dahil hindi mabilang ang mga tao na sumasakay at bumababa rito. Kumbaga, hindi tayo sigurado kung malusog o may sakit ang mga pasahero nito.
Batid nating hindi lamang ordinaryong mamamayan ang nangangamba, kundi maging ang gobyerno ay hindi na rin magkandaugaga sa mga uunahin at dapat ipatupad na solusyon.
Sa totoo lang ang pagsunod sa mga health protocols ay hindi na kailangang i-memorize, dapat ‘matik na dahil imagine, nag-anibersaryo na ang pandemya.
Gayunman, ang simpleng pagbibigay-paalala sa ating kapwa na tila nakakalimot ay malaking tulong hindi lamang sa atin, kundi para sa lahat.



Comments