by Info @Editorial | Feb. 8, 2025

MahigitP2.6 bilyong halaga ng ilegal na droga na itinago sa packaging ng dried mango ang nasabat kamakailan. Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad mula sa foreign counterpart hinggil sa shipment ng ilegal na droga na galing Karachi, Pakistan.
Natunton ang lokasyon ng container cargo sa Las Piñas at natuklasan ang 58 kahon na naglalaman ng kabuuang 404.9515 kilos ng shabu na itinago sa mga produktong vermicelli, custard at organic dried mangoes.
Patuloy ang tangkang pagpasok ng mga ilegal na droga sa ating bansa. Bagama’t ang mga otoridad ay gumagawa ng mga hakbang upang masugpo ito, ang banta ay patuloy na nararamdaman sa ating lipunan.
Batid naman natin na ang droga ay nagiging sanhi ng napakaraming problema hindi lamang sa kalusugan ng mga mamamayan kundi pati na rin sa seguridad at ekonomiya ng bansa. Ito ay nagiging ugat ng karahasan, krimen at pagkawasak ng bansa.
Ang mga biktima ng droga, lalo na ang mga kabataan, ay nagiging alipin ng bisyo na nagdudulot ng malalim na epekto sa kanilang pamilya at komunidad.Dahil dito, hindi lamang ang mga otoridad ang may responsibilidad sa pagsugpo sa problema, mahalaga ang pagtutulungan ng buong lipunan.
Dapat ay magkaisa ang gobyerno, pribadong sektor at ang mamamayan upang paigtingin ang kampanya laban sa droga.
Ang pagpasok ng mga ilegal na droga sa ating bansa ay isang seryosong isyu na nangangailangan ng sabayang pagkilos mula sa bawat isa sa atin. Tanging sa pagkakaroon ng isang malawak na pananaw at determinasyon sa lahat ng sektor ay magiging posible ang paglutas sa problemang ito.
Comments