Pagpupugay sa mga dakilang ina
- BULGAR
- May 12, 2024
- 2 min read
@Editorial | May 12, 2024

Bago ang lahat, nais nating batiin ng Maligayang Araw ng mga Ina, ang lahat ng nagsisilbing ilaw ng tahanan.
Maraming salamat sa pag-aalaga, pag-unawa, gabay at walang hanggang pagmamahal.
Bilang kaagapay sa pagtataguyod ng pamilya, batid nating ramdam din ng mga nanay ang hirap sa pagsuporta sa mga anak lalo na kung single parent. Masasabing malaking bagay ang tulong mula sa mga programa at proyekto ng gobyerno. Katulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ngayon, pinaplano umano ng ahensya na taasan ang cash assistance ng mga benepisyaryo ng 4Ps.
Ito ay bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DSWD sa National Economic Development Authority (NEDA) at sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa pagpapatupad ng automatic adjustment sa ayuda sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Kailangang makahanap ng tamang pamantayan para sa automatic adjustments sa ayudang pinansyal.
Isa sa mga dapat na maging batayan ng pagtaas ng ayuda ang inflation o ang bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo.
Napag-alaman na ang pamilyang nasa 4Ps ay tatanggap ng mga ganitong ayuda kada buwan: P750 para sa health and nutrition; P650 na rice allowance; P300 para sa bawat anak na nag-aaral sa elementary; P500 sa bawat anak na junior high school student at P700 naman sa bawat anak na nasa senior high school.
Umaasa tayo na nagagamit nang maayos ang pondo para maka-‘graduate’ sa 4Ps at may iba pang matulungan.
Marahil bago taasan ang cash assistance, pag-aralan munang mabuti ang listahan ng mga benepisyaryo para matiyak na mapupunta sa mga karapat-dapat ang ayuda at hindi sa mga pasaway.
Comments