Pagpupugay sa lahat ng manggagawa
- BULGAR
- May 1, 2023
- 1 min read
@Editorial | May 1, 2023
Isang matikas na pagsaludo sa lahat ng manggagawa, ang mga nagsisilbing lakas ng bayan.
Ngayong araw ang pagdiriwang ng ika-121 taon ng Araw ng Paggawa sa bansa na may temang “Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho Para sa Manggagawang Pilipino”.
Kaugnay nito, binuo ng gobyerno ang ilang aktibidad para sa mga manggagawa tulad ng “Kadiwa ng Pangulo Para sa mga Manggagawa” kung saan makakabili ng mga murang produkto ang mga manggagawa.
Habang mayroon ding pagbibigay ng ayuda sa ilalim ng TUPAD Program, Special Program for Employment of Students o SPES, at Government Internship Program o GIP sa mga rehiyon; at nationwide simultaneous job fairs na idaraos sa iba’t ibang mall sa bansa.
Masasabing napakaganda ng tema ng Labor Day ngayong taon. Ito ‘yung mga pangarap ng bawat manggagawa na para sa iba ay pangarap pa rin.
Marami ang nagsisikap para magkaroon ng sarili at disenteng bahay, pero paano ito makakamit kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo? Paano kung walang regular na trabaho?
Sana ang ‘tema’ ay maging totoo na para sa maraming manggagawa.
Muli, pagsaludo at taos-pusong pagpupugay sa lahat ng manggagawa na ‘di napapagod para sa pagtataguyod ng pamilya at kaisa ng bayan sa pag-unlad.



Comments