Pagpapatupad ng batas, maaaring gawin nang hindi naabuso ang mamamayan, period!
- BULGAR

- Jul 5, 2020
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | July 5, 2020
Nanawagan tayo sa Philippine National Police (PNP) na sanayin ang mga tauhan nito sa tamang situational handling ng police engagements, lalo na ngayong inaasahang mahigpit na sinusunod ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ito ay dahil na rin sa ating pagkabahala na hindi naipatutupad ang health protocols at hindi maayos na nasanay ang kanilang mga tauhan sa pagpapababa ng public health risks — lalo na kung titingnan ang mga masisikip na detention cell at ang pagsasakay ng mga naaresto sa mga police vehicles na walang kaukulang physical distancing.
☻☻☻
Napapansin din natin na parang nagiging sobra na ang pagpapatupad ng PNP sa mga direktiba tungkol sa public health, na umabot na ito sa puntong nailalagay sa panganib ang kalusugan at nalalabag na ang mga karapatan ng mga tao.
Ilan lamang sa mga napansin nating paglabag sa basic health at institutional protocols ay ang pag-aresto ng mahigit na 100 indibidwal noong nakaraang linggo sa Makati, ang paghuli sa mga miyembro ng LGBTQ rights group , ang warrantless arrest ng jeepney drivers sa Caloocan, at ang tangkang paghuli sa isang media intern.
☻☻☻
Ayon na rin sa datos nito, mayroon nang 709 na tauhan nito ang positibo sa COVID-19, samantalang siyam ang namatay dahil dito, as of June 30, 2020.
Dapat na ring tingnan ng PNP ang retrofitting ng mga asset nito tulad ng mga istasyon at sasakyan upang maayos na maipatupad ang New Normal. Ang pagpapanatiling ligtas ng lahat ay ang dapat na protocol, lalo na at wala pang natutuklasang bakuna laban sa sakit na ito.
☻☻☻
Dapat ding maging aware ang PNP pagdating sa role nito sa public health emergencies. Hindi naman nagbibigay ng free pass ang kasalukuyang sitwasyon at ang paso nang Bayanihan Act sa mabigat nitong tugon.
Maaari namang pangaralan, bigyan ng warning o babala ng mga pulis ang mga lumalabag sa kasalukuyang health protocols, imbes na makita ng taumbayan ang blatant disregard ng civil rights at paglabag sa mismong health protocols.
☻☻☻
Inaasahan nating magkakaroon ng oversight ang pamunuan ng PNP sa police operations upang regular na mamonitor at marepaso ang mga aktibidad nito.
Kailangan ding gumawa ng hakbang ang ahensiya upang maging patas ang pagtugon nito sa low level offenses. Hindi naman dapat na maging OA na kailangan arestuhin ‘yung walang mask o ‘yung nagbi-video lang, pati ‘yung magpahayag ka ng saloobin. Hindi naman puwedeng ‘yung ibang violator ay absuwelto, habang ang iba ay napaparusahan.
Dapat ding makita ng PNP na isang ideal breeding ground ang mga masisikip nitong kulungan, lalo na ng COVID-19.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments