Pagpapanatili ng Alert Level 2 sa NCR, tama lang
@Editorial | February 17, 2022
Minabuti muna ng gobyerno na panatilihin ang Alert Level 2 sa National Capital Region (NCR).
Isa sa mga pangunahing dahilan ay ang binabantayan ng Department of Health (DOH) na mga posibleng paglabag sa minimum health protocols sa mga election-related mass gatherings.
Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng Alert Level 2 ay mao-offset ang mga paglabag sa kampanya.
Una nang ibinabala na maaaring maging superspreader events ng COVID-19 ang mga aktibidad na may kaugnayan sa halalan.
Kaya dapat na maipatupad at masunod ang mga nakalatag na minimum health protocols.
Bago pa man pormal na nagsimula ang campaign period ay naglabas na ng panuntunan ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa pangangampanya, kabilang na ang pagbabawal sa selfies at paglimita sa bilang ng mga tao na puwedeng ma-accomodate sa mga campaign rallies o gatherings, bagay na hindi maitatangging nalabag na sa mga nagdaang araw.
Hinihintay naman kung may masasampolang pasaway o hanggang pagbabanta lang ang magagawa ng kinauukulan.
Samantala, bagama't extended ang Alert Level 2, posible umanong mailagay naman na sa Alert Level 1 ang ilang mga lugar sa bansa pagsapit ng Marso 1.
Inaasahan umanong bababa pa lalo ang mga maitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Tiyak na marami ang excited kaya para magawa ito, sumunod sa mga health protocols at maging mahigpit sa safety seal program sa mga establisimyento.



Comments