Pagpapaampon sa bunso, ‘di dapat ituloy dahil suwerte
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 27, 2022
Dear Maestro,
Nais kong ikonsulta sa inyo ang problema namin sa aming mga anak. May tatlo na kaming anak at hindi sinasadyang nasundan pa ang bunso. Masasabi kong unwanted child ang pang-apat naming anak dahil hindi pa naman namin planong sundan ang mga bata.
Babae ang naging bunso namin, samantalang dalawa na ang babae namin at isang lalaki. Okay lang sana kung lalaki para dalawang lalaki at dalawang babae. Kaya ngayon, balak namin siyang ipaampon at payag naman ang mister ko.
Pero bago namin ipaampon ang bata, nais kong ipasuri sa inyo ang kanyang birth date upang malaman kung susuwertehin ba kami sa kanya o hindi. March 25, 2022 ang birthday niya, habang December 10, 1982 ang birthday ko at October 8, 1980 naman ang birthday ng mister ko.
Umaasa,
Mrs. M ng San Agustin, Malabon City
Dear Mrs. M,
Ang mga batang may “weak number” tulad ng 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, gayundin silang mga batang may neutral number na 5, 14 at 23 ay suwerte sa mga magulang na may strong number tulad mo na may birth date na 10 o 1 (ang 10 1+0=1) at mister mo na may birth date na 8.
Ang weak number na 25 o 7 (ang 25 ay 2+5=7) ng anak n’yo ang babalanse sa sobrang strong number n’yong mag-asawa, kaya hindi n’yo siya dapat ipaampon.
Ang ikinaganda pa nito, lumalabas na ka-compatible mo ang nasabing bata dahil nasa pagitan siya ng zodiac sign na Taurus at Aries. Kung siya ay magiging Aries, ikaw naman ay Sagittarius, darating ang panahong siya ang magiging tagapagtanggol mo sa iyong istriktong asawa sa panahong nag-aaway kayong dalawa. Hindi lang tagapagtanggol, bagkus, hahagkan ka niya sa panahong umiiyak ka sa isang sulok dahil sasabihin niya na, “Mama, tahan na!”
Ganu’n ang magiging papel ng batang ‘yan sa inyong relasyon at posible ring maging successful siya sa kanyang career. Siya rin ang maiiwan sa inyong tahanan sa panahong nagkaroon na ng kani-kanyang pamilya ang kanyang mga kapatid, kung saan habang pina-practice niya ang kanyang propesyon, siya ang magiging kasama n’yo sa bahay habang kayo ay tumatanda at siya ang mag-aaruga sa inyo, gayundin, siya ang nakatakdang maging malapit sa Diyos at may pagkarelihiyosa.
At sa panahon namang siya ay may asawa at mga anak na, ang magiging apo n’yo naman sa kanya ang magiging kasiyahan n’yo sa buhay, habang unti-unti kayong kinukubabawan ng pagtanda.
Kaya tulad ng naipaliwanag na, hindi n’yo dapat ipaampon ang batang may birth date na March 25, 2022 dahil lang sa katwirang unwanted child siya.
Bagkus, dapat n’yo pa siyang arugaing mabuti at palakihin nang maayos at dulutan ng hustong pagmamahal at pagkalinga dahil sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, ang naturang bata ang magbibigay ng dagdag na ligaya at hindi maipaliwanag na suwerte sa inyong pamilya.




Comments