Paglayo sa sinilangang bayan, magpapayaman sa mister na gustong umunlad ang pamilya
- BULGAR
- Feb 22, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | February 22, 2023

KATANUNGAN
Ako ay taga-Sorsogon at nagbabalak na pumunta ng Maynila para makipagsapalaran, sapagkat walang buhay dito sa aming probinsya. May asawa’t dalawang anak ako at ayaw kong matulad sila sa mga kababayan kong walang kinabukasan.
Gusto ko silang makatapos ng pag-aaral, kaya balak kong makipagsapalaran d’yan sa Maynila. Nais kong malaman kung magiging maganda ba ang kalagayan ko sa Maynila?
KASAGUTAN
Kung hindi muna sisilipin ang guhit ng iyong mga palad at ang pagbabatayan ay ang zodiac sign mong Capricorn at birth date na 17, upang umunlad ang binabalak mong pakikipagsapalaran, tugma sa iyong kapalaran ang pagpunta sa Maynila, gayundin ang mga lugar na malayo sa sinilangan mong bayan. Sapagkat tunay nga na ang mga taong naiimpluwensiyahan ng Planetang Saturno ay umuunlad sa sandaling lumayo sila sa sinilangan nilang bayan.
Naging Saturno ang iyong ruling planet, sapagkat si Saturn ang ruling planet ng zodiac sign mong Capricorn at ang birth date mong 8 or 17 (1+7=8) ay may kaakibat ding planetang Saturno. Sa madaling salita, bagama’t hard work at sobrang pagtitiis ang pansamantalang daranasin mo sa Maynila o saanmang malayong lugar, kapag naman napagtiisan mo ang mga pang-aapi, pang-aalipusta at pagyurak sa iyong pagkatao, uusbong at mabubuo ang bago, masipag, masikap at maunlad na nilalang. Malaki rin ang posibilidad na ikaw ay maging super-yaman.
Samantala, kapansin-pansing lumawak ang sakop ng Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa makapal at kaunting guhit sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa sandaling ginusto mo ang isang bagay at pinagsikapan mo talagang makuha, walang makakahadlang sa iyong pagnanais na makipagsapalaran sa Maynila. Ngunit ang hindi mo naman mahahadlangan ay ang dumaan sa maraming pagsubok at pasakit, saanmang malayong lugar ka mapadpad.
Ang pagsusuring hindi magiging madali ang buhay mo sa Maynila sa umpisa ay madali namang kinumpirma ng Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.), na hindi makaungos nang mabuti, pabugso-bugso (arrow b.) at sa gitnang bahagi lamang ng kanyang destinasyon ganap na nakahulagpos, kumapal at luminaw (arrow c.) hanggang sa makarating sa Bundok ng Tagumpay (arrow d.) na siya ring Mount of Saturn. Ito ay nagsasabing pagkatapos ng maraming pang-aapi at pagyurak sa iyong katauhan, magiging magaling kang tao, hanggang sa kusa mong matagpuan ang tunay na pormula ng pagyaman – pagsisinop ng kabuhayan, pagmamahal sa pinagkakakitaan at paglayo sa maluho at magastos na lipunan.
MGA DAPAT GAWIN
Kaya, Abel, tama ang iniisip mo dahil kung mananatili ka sa probinsya na iyong sinilangan, hindi ka uunlad at yayaman. Sa halip, maaari pang mamana ng iyong mga anak at magiging apo ang pinapasan n’yong kahirapan sa buhay.
Subalit sa paglayo sa sinilangang bayan at pakikipagsapalaran sa malayong lugar, nakahanda na ang magaganap – matapos ang matinding sakripisyo at mga pagtitiis sa buhay. Sa dulo ng lakbayin, isang malaking tagumpay ang iyong matatamo.
Ayon sa iyong mga datos, ang mga ito ay nakatakdang mangyari sa taong 2032 at sa edad mong 51 pataas, kung saan sa lugar na malayo sa sinilangan mong bayan, mayamang-mayaman ka na.







Comments