ni Mylene Alfonso @News | Mar. 10, 2025

File Photo: Dating Pangulong Rodrigo Duterte - PCO
Tiniyak ng Malacañang ang kahandaan sa gitna ng mga espekulasyon na naglabas na umano ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“We’ve heard that an arrest warrant has been issued by the International Criminal Court against former President Rodrigo Duterte for crimes against humanity,” wika ni Presidential Communications Office (PCO) Ad Interim Secretary Jay Ruiz sa isang pahayag.
“The government is prepared for any eventuality,” wika pa ni Ruiz.
Inihayag naman ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na wala pang kumpirmasyon mula sa Palasyo tungkol sa pagpapalabas ng warrant of arrest.
“But as what ES [Executive Secretary Lucas] Bersamin and SOJ [Secretary of Justice] said before, if Interpol will ask the necessary assistance from the government, it is obliged to follow,” ani Castro.
Matatandaang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduan na nagtatag ng ICC, noong 2019 matapos simulan ng The Hague-based tribunal ang pagsisiyasat sa drug war ng administrasyong Duterte.
Okey, ikulong n’yo ‘ko — Du30
HANDANG magpahuli at makulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling tuluyang maglabas ng warrant of arrest ang ICC laban sa kanya kaugnay ng drug war.
“Ang balita ko may warrant daw ako… ‘Yung sa ICC or something. Matagal na ako hinahabol ng mga p***** i**,” ani Duterte.
“Tutal ganito na lang swerte ko sa buhay. Okey lang tatanggapin ko ‘yan. Eh, wala tayong magawa, eh. Hulihin tayo o ikulong tayo,” dagdag niya.
Binigyang-diin ng dating Pangulo na wala siyang ginawang masama at ang layunin lamang niya noon ay protektahan ang mga Pilipino mula sa salot na droga.
Opmerkingen