Paglabas ng balikbayan boxes, ‘wag sanang abutin ng Pasko
- BULGAR

- Sep 26, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | Sep. 26, 2024

Ang mga balikbayan boxes na dumarating sa bansa ay hindi lang materyal na bagay ang laman kundi kasama rito ang pagmamahal at sakripisyo ng kapamilya o kaibigan na nagpadala nito.
Madalas sa ganitong panahon ng Kapaskuhan ay talagang marami ang nagpapadala. Kung saan, nagiging hamon sa kinauukulan ang maayos na proseso ng paglabas ng mga balikbayan box mula sa pantalan. Batid naman ang pagbigat ng traffic sa mga kargamentong papasok sa bansa, habang nalalapit ang Pasko.
Bagama’t tiniyak naman ng gobyerno na asahan ng publiko na magiging mabilis ang pagproseso sa mga balikbayan box, sa oras na lumapag na ang mga ito sa mga pantalan sa bansa. Sa kasalukuyan, wala naman daw silang nararanasang problema sa mga pantalan. Kung mayroon man, agad umano nila itong pag-uusapan upang matugunan.
Titiyakin din umano na on time na makakalabas ng pantalan ang mga package ng publiko, upang maging masaya ang Pasko ng mga Pilipino. Matatandaang, may mga insidente na nabulok na ang laman ng mga kahon, ‘di pa rin natatanggap ng mga pinadalhan, bagay na nakapanlulumo.
Ang salitang “balikbayan box” ay nagdadala ng ngiti at pananabik. Ang kahon na ito ay simbolo ng pagmamahal, pagsasakripisyo, at mga alaala mula sa mga kamag-anak o kaibigan na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Gayunpaman, may mga isyu ring dapat talakayin kaugnay ng balikbayan box. Bukod sa delay sa pagdating, ang pagtaas ng mga bayarin ay nagdudulot ng pag-aalala. Dapat itong bigyang-pansin ng pamahalaan upang mas mapadali ang proseso at mas mapanatili ang diwa ng pagmamahalan na dala ng mga balikbayan box.



Comments