top of page

Paglaban sa bullying, mas palalimin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 18, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | Nov. 18, 2024



Editorial

Nakapanlulumo ang mga balita na nasasangkot sa krimen ang mga kabataan na ang isa sa mga pinag-uugatan ay bullying. 


Ang bullying ay hindi simpleng gawain ng pambubuska, kundi isang seryosong isyu na may malalim na epekto sa emosyonal, sikolohikal, at sosyal na kalagayan ng mga estudyante. 


Sa bawat araw, may mga kabataan na pinagtutulungan, nahihirapan at minsa’y napapabayaan hanggang sa tuluyang bumigay. Kaya’t mahalaga ang pagtutok ng buong komunidad — mula sa mga magulang, guro, at pati na rin ang mga mag-aaral mismo — upang sugpuin ang bullying at lumikha ng isang ligtas at makatarungang kapaligiran.


Ang bullying ay hindi lamang nagaganap sa pamamagitan ng pisikal na pananakit. Marami sa mga kabataan ngayon ang nagiging biktima ng cyberbullying, kung saan ang mga salitang nakasakit at ang mga paninirang-puri ay ipinapalaganap sa social media.


Ang ganitong uri ng bullying ay nagiging mas mahirap harapin dahil sa hindi nakikita ng mga biktima ang kanilang mga mang-aapi at hindi agad nabibigyan ng tamang atensyon. Dahil dito, ang epekto ng bullying sa mental health ng mga estudyante ay nagiging mas malala — ang mga biktima ay nakararanas ng depresyon, anxiety, at mababang pagpapahalaga sa sarili.


Isang pangunahing dahilan ng bullying sa paaralan ay ang kawalan ng pag-unawa sa pagkakaiba-iba ng mga tao. Kaya’t napakahalaga na itaguyod ang edukasyon sa diversity at inclusion. Sa ganitong paraan, matututunan ng mga mag-aaral na igalang ang bawat isa, anuman ang kanilang mga pagkakaiba. 


Ang mga programa at aktibidad na nagpo-promote ng samahan at pagtutulungan ay isang magandang hakbang upang mabawasan ang mga insidente ng bullying sa paaralan.


Ang mga magulang naman ay may responsibilidad na gabayan ang mga anak at turuan sila ng tamang pag-uugali, at kung kinakailangan, makipagtulungan sa mga paaralan upang matulungan ang mga batang biktima ng bullying.


Higit sa lahat, ang bawat mag-aaral ay may mahalagang papel sa pagsugpo sa bullying. Dapat magsimula sa ating lahat ang pagbabago. Ang pagiging isang mabuting kaibigan, pag-iwas sa pagiging saksi sa bullying nang walang ginagawa, at pagiging bukas sa pagtulong sa mga biktima ay mga hakbang na makatutulong sa pagtatapos ng ganitong uri ng karahasan. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page