top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagkilala sa ambag ng bawat manggagawa

BULGAR
May 1, 2022
1 min read

@Editorial | May 1, 2022


"Sahod itaas, presyo ibaba!"


Ito pa rin ang sigaw ng mga manggagawa.


Patunay na hindi pa rin nakakamit ang tunay na pagbabago. Marami nang taon ang lumipas at administrasyong nagdaan, ang mga manggagawa, napag-iiwanan pa rin.


Mababang pasahod, kapos na benepisyo at walang katiyakang trabaho.


Sitwasyong mas pinalala ng pandemya dulot ng COVID-19. Kasabay ng lockdown, may mga kompanyang nagsara, maraming manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay.


Ngayong unti-unti nang bumabangon saka naman kaliwa't kanan ang taas-presyo sa mga bilihin at serbisyo.


Sa halip na sumuko, nananatiling matatag ang Pinoy. Ginagalingan pa ang diskarte sa pagtitipid, mas pinalawak ang kakayahan para sa ibang gawain at higit sa lahat, nananatiling positibo ang pananaw sa buhay at pinalakas pa ang pananalig sa Kanya.

Sadyang hindi matatawaran ang dugo't pawis na iniaalay ng bawat manggagawa dito sa bansa at saan mang sulok ng mundo.


At ngayong taon, muling magiging makasaysayan ang Mayo 9. Kaisa ang mga manggagawa, tayo'y magbibigay ng tiwala sa mga lider at opisyal na mangunguna sa pagbangon at pag-unlad ng ating bayan.


Nagdarasal at umaasa tayo na magtatagumpay ang ating pagboto.


Ang ating mapipili ay silang mga may kakayahan, talino at konsensiya sa pagpapatakbo ng gobyerno.


Manalig tayo na ang susunod na pangulo, bise, mga senador, kongresista at kinatawan sa lokal ay nagtataglay din ng mga katangian nang tulad sa tunay na manggagawa – handang magserbisyo nang buo, tapat at may takot sa Diyos.


Muli, saludo tayo sa bawat manggagawa na hindi napapagod kundi mas lalo pang lumalaban at nag-aambag sa bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page