ni Ryan Sison @Boses | Sep. 25, 2024
Nakalulungkot na sa kabila ng dedikasyon at sakripisyo sa kanilang pagtuturo ay may isang guro na masasawi dahil umano sa stress.
Kaya naman naglunsad ng imbestigasyon ang Department of Education-Davao (DepEd-11) hinggil sa pagkamatay ng isang 58-anyos na guro sa Pantukan, Davao de Oro, kung saan nasawi umano dahil sa stress matapos na pagalitan daw ng principal.
Ayon sa spokesperson ng DepEd-11 na si Jenielito Atillo, isang dialogue ang isasagawa habang hihilingan sa principal ang pagdalo nito.
Batay sa impormasyon na nag-viral sa social media, dinala sa ospital ang guro at namatay umano dahil sa stress matapos daw pagalitan o i-berate ng principal.
Naganap ang insidente makaraang isang magulang umano ang direktang magsumbong sa principal na nasugatan ang kanyang anak sa loob ng klasrum. Pagkatapos ay kinumpronta ng principal ang guro at mariing pinagalitan daw dahil sa pangyayari.
Sa isang group chat, sinabi ng naturang guro na nagtse-check siya ng papers nang maganap ang insidente sa estudyante. Sumasayaw umano ang estudyante at tumama ang ulo nito sa upuan at nasugatan.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang DepEd-Davao de Oro sa pamilya ng guro.
Tiniyak din ng DepEd Davao de Oro sa publiko na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa naging sanhi ng pagkamatay ng naturang guro.
Totoong hindi madali ang magturo, lalo pa ang maging isang guro.
Araw-araw na gumagawa ng mga aralin para ituro, nag-aaruga at hinuhubog ang mga estudyante, nag-i-inform sa mga magulang ng estado sa pag-aaral ng kanilang mga anak habang mabuting nakikisama sa mga kapwa guro.
Kumbaga, napakaraming responsibilidad na nakaatang sa kanilang balikat na kung minsan ang mismong guro ay hindi namamalayan na dumaranas na rin ng sobrang stress at posibleng depresyon sa trabaho.
Ang masaklap lang ay hindi kasi agad naresolbahan ang problema at pinalala pa dahil sa naranasang tila pang-iinsulto mula sa kanyang lider na nagresulta sa masamang pangyayari.
Hiling natin sa kinauukulan na imbestigahang mabuti ang insidente at papanagutin sana ang mga sangkot dito.
Marahil, kailangan na sigurong magkaroon ng batas na siyang poprotekta naman sa ating guro. Bukod sa kanilang kalagayan, dapat ding tutukan ang kanilang kalusugan.
Paalala naman sa ating mga kababayan na sana ay lagi nating pairalin ang pagpapasensya at pagiging mahinahon sa pagsasalita man o sa gawa nang sa gayon ay hindi tayo umabot sa puntong makasakit na ng ating kapwa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments