top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Pagkalugi ng poultry raisers, agapan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 10, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | Oct. 10, 2024



Editorial

Patuloy ang pag-aray ng mga poultry raiser sa bansa, tulad ng inihayag ng United Broiler Raisers Association (UBRA), dahil sa lumalalang kalagayan ng kanilang industriya.


Sa kabila ng pagbaba ng farmgate price ng manok sa P98 kada kilo, nananatiling mataas ang retail cost sa mga palengke, umaabot sa P230 kada kilo.


Ang sitwasyong ito ay hindi lamang nakakaapekto sa mga poultry farmer, kundi pati na rin sa mga mamimili, na walang magawa kundi magbayad ng mataas na presyo para sa karne ng manok.


Ayon sa isang opisyal, ang kasalukuyang farmgate price ay mas mababa pa kaysa sa production cost na P110 hanggang P115 kada kilo. Ibig sabihin, nalulugi na ang mga poultry raiser sa bawat kilo ng manok na kanilang ibinebenta.

Bagama’t bumaba ang farmgate price, hindi nila kontrolado ang presyo sa retail market, na tila patuloy na nagpapahirap sa kanila.


Ang patuloy na overpricing sa retail market ay hindi makatarungan sa mga nagpo-produce ng manok, na siya namang nagsasakripisyo upang magkaroon ng sapat na suplay ng pagkain sa bansa. Kung walang malinaw na plano mula sa DA, mas lalo pang lulubha ang sitwasyon ng mga poultry raiser, na maaaring humantong sa kakulangan ng suplay ng manok at mas mataas na presyo para sa mga mamimili.


Bukod sa mga magsasaka, ang mga konsyumer din ang apektado ng hindi balanseng presyo. Bagama’t bumaba na ang presyo ng farmgate, hindi nararamdaman ng mga mamimili ang benepisyong ito dahil nananatiling mataas ang retail price.


Dapat na masusing suriin ng gobyerno kung bakit may napakalaking agwat sa pagitan ng farmgate at retail prices, at gumawa ng hakbang upang siguraduhin na ang presyo ng manok ay patas para sa lahat.


Panahon na para sa seryosong pagtugon ng pamahalaan upang itama ang hindi pantay na sitwasyon at mapanatili ang sustenableng suplay ng pagkain para sa bawat Pilipino.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page