Pagkalat ng COVID-19 sa probinsiya, pigilan
@Editorial | January 23, 2022
Tumataas na rin ang bilang kaso ng COVID-19 sa ilang probinsiya.
Ayon sa OCTA Research, kapansin-pansing mula noong Enero 12 ay lumobo ang kaso ng COVID-19 na naitatala sa mga probinsiya ng Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.
Bagama’t bumaba, nanguna pa rin ang Metro Manila sa dami ng mga bagong kasong naitala.
Sinundan ito ng Misamis Oriental, Benguet, Pampanga, Iloilo, Davao del Sur, Batangas, Bulacan, Cebu, Cavite, Rizal at Laguna.
Nangangahulugan lang ito na wala talagang pinipili ang virus. Kahit sino at kahit saan puwedeng kumalat. Kaya lahat ay dapat mag-ingat at alagaan ang kalusugan.
Kung kinakailangang pumasok sa ibang lugar, igalang at sundin ang kanilang mga panuntunan. Unawain natin na iniingatan din nila ang kanilang mamamayan.
Hinikayat na rin ng Department of Health ang publiko na mag-double mask bilang dagdag-proteksyon.
Ang wastong pagsusuot ng facemask ay masasabing napakalaking tulong para hindi mahawa o makapanghawa.
Sa mga matitigas pa rin ang ulo na ayaw mag-facemask, manahimik na lang kayo sa lugar kung saan wala kayo makakasalamuha o malalagay sa panganib.
Hindi pa tapos ang laban sa COVID-19, taas-baba pa rin ang kaso.
Ang pakiusap lang sana sa lahat, huwag magpakampante at palagi pa ring sumunod sa mga health protocols.



Comments