Pagkakasangkot ng mga menor-de-edad sa krimen, 'wag dedmahin
- BULGAR

- 12 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 27, 2026

Ang pagsuko ng isang 14-anyos na menor-de-edad na sangkot umano sa pagpatay sa isang mag-ina ay isang matinding babala sa lipunan.
Hindi na ito simpleng insidente ng krimen kundi patunay na may seryosong problema sa paggabay sa kabataan.
Sa murang edad, ang isang bata ay inaasahang nasa tahanan o paaralan at hinuhubog ang kinabukasan.
Ngunit kung ang isang menor-de-edad ay nagagawa nang masangkot sa ganitong karumal-dumal na krimen, malinaw na may pagkukulang sa pamilya, komunidad, at mga institusyong dapat gumagabay sa kanya.
Maaaring dulot ito ng kahirapan, maling impluwensya, o kakulangan ng tamang disiplina at gabay.
Gayunman, hindi maaaring ipagwalang-bahala ang bigat ng krimen. May biktima at pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, kaya’t dapat pa ring manaig ang hustisya. Subalit sa kaso ng menor-de-edad, dapat ding isaalang-alang ang rehabilitasyon at paghubog muli sa kanya upang hindi na maulit ang pagkakamali.
Ang ganitong insidente ay hindi dapat matapos sa imbestigasyon lamang. Dapat itong magsilbing panawagan sa mas mahigpit na paggabay sa kabataan, mas maayos na edukasyon, at mas aktibong partisipasyon ng pamilya sa pagpapalaki ng anak.
Kung babalewalain ang ugat ng problema, mas marami pang kabataan ang malilihis ng landas.



Comments