top of page
Search
  • BULGAR

Pagiging maluho, kailangang alisin ng misis na pangarap magnegosyo at yumaman

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 28, 2020



Dear Maestro,


September 29, 1981 ang birthday ko at July 16, 1979 naman ang mister ko. Itatanong ko lang kung anong negosyo ang bagay sa amin, gayundina ng kulay at petsa? Matutubos pa ba namin ang lupa at alahas na nakasanla hanggang ngayon? May kapatid ako sa Japan, matutulungan ba niya akong makapunta roon at may pag-asa ba akong makapag-abroad? Gusto ko ring ipaanalisa sa inyo ang aking lagda at nunal sa mukha.


Umaasa,

Ms. Libra ng Sto. Cristo, Pulilan, Bulacan


Dear Ms. Libra,


Madali lang para matiyak mo kung makapag-a-abroad ka at makakapunta sa Japan tulad ng kapatid mo, kung saan, kung siya ay isinilang sa zodiac sign na Aquarius, Gemini, Taurus o kapwa mo Libra at may birth date na 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, malaki ang maitutulong niya upang ikaw ay makapunta sa Japan.


Kaya lang, kung hindi naman pumatak sa nasabing mga zodiac sign at birth date ng iyong kapatid, masasabing malabo ka niyang matulungang makapag-abroad.


Hinggil naman sa suwerteng kulay, petsa at negosyo, masuwerte sa kulay na pula, violet at asul sa tulad mong under sa zodiac sign na Libra. Habang ayon naman sa birth date mong 29 or 2 (2+9=11/ 1+1=9) at sa birth date na 16 o 7 (1+6=7) ng mister mo, ang kulay na berde ay maaari ring isaalang-alang na makapagbibigay ng magandang kapalaran.


Samantala, dahil 2 ang birth date mo sa destiny number na 3 (9+29+1981=2019/ 20+19=39/ 3+9=12/ 1+2=3), ang mapalad mong petsa ay 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18, 27, lalo na kung ang mga araw na nabanggit ay natapat sa Martes, Huwebes at Biyernes, gayundin ang petsang 1, 10, 19 at 28, lalo na kung natapat sa araw ng Lunes at Linggo.


Hinggil naman sa kung paano matutubos ang lupa at alahas na nakasanla, nakita mo ba ang malaking nunal sa kanang bahagi ng iyong pisngi na malapit sa ilong?


Suwerte ang nunal na ‘yan sa negosyo kung matututunan mong magpakabait at umiwas sa mga luho at kapritso ng buhay. In short, kailangang bago ka magnegosyo, matututo kang magtipid at magsinop ng kabuhayan at bilang pagsasanay, ngayon pa lang ay dapat maging matipid ka na. Sapagkat ang pangunahing ugali ng mga yumayaman sa negosyo, tulad ng alam na naman nating lahat ay mahigpit humawak ng pera.


Kapag nagawa mong maghigpit sa paghawak ng pera, ang nunal sa kanang pisngi ay unti-unting mabubuhay hanggang sa maisipan mong magpundar, magsinop at mahilig sa pag-iipon ng maraming-maraming pera at materyal na bagay.


Ang weakness kasi ng mga Libra ay masyadong mahilig sa masasarap na pagkain, magagandang bagay tulad ng mga alahas na hindi naman mapakikinabangan at kung anu-ano pang luho sa buhay. Ibig sabihin, medyo magastos at may pagkabulagsak ang mga Libra kung saan dapat nila itong kontrolin upang sila ay yumaman.


Ito ang dahilan kaya minsan ka nang nagkaroon ng maraming pera na hatid ng nunal mo sa kanang pisngi, pero nawala o naubos pa. Ito ay dahil sa pagiging tipikal na sa Libra, ang pagiging maluho, mahilig sa masarap na pagkain, mahilig sa magagandang bagay at sa matuling salita ay magastos na tao ang mga Libra, kaya naman bihira sa kanila ang yumayaman, maliban na lang kung ang birth date niya ay 5, 14, 23, 8, 17 at 26, sila ang may pag-asang yumaman, lalo na kung may malaking nunal sa mukha na tulad mo.


Subukan mo ang mga negosyong may kaugnayan sa pagkain, pabango, pampaganda, butil, tindahan at iba pang kauri nito. Pero tulad ng nasabi na, bago ka magnegosyo, kailangan mo munang matutunang magtipid at magsinop ng kabuhayan.


Hinggil naman sa iyong lagda, masyadong maliit, na nangangahulugang sa panahon ngayon, nawawalan ka na ng tiwala sa iyong sarili at iniisip mong hindi ka na makakaahon. Huwag ganu'n, at hindi dapat ang ganyang lagda.


Sa halip, lakihan mo ang pagkakasulat ng iyong lagda, pero alisin mo muna ang bilog sa unahang bahagi, 'yun bang magulong letrang “M" na naging bilog.


Alisin mo 'yun, sa halip, buhayin mo nang magandang-maganda ang bawat letra at salita. Simpleng “M” lang ang dapat na walang bilog at kapag naayos at napaganda mo na ang iyong lagda, magkakaroon ng malaking pagbabago tungo sa paglago at ganap na pag-unlad.


Ayon sa Decadens ng Kapalaran, basta’t sundin mo lang mga simpleng rekomendasyong inilahad na sa itaas, tiyak ang magaganap sa 2022 sa edad mong 41 pataas. Unti-unti na kayong makakaahon sa kahirapan, matutubos ang mga alahas at lupang nakasanla hanggang sa tuluy-tuloy na muling umasenso at umunlad ang inyong pamilya.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page